Abante Tonite Interactive

De-kalibreng armas, bala sinamsam sa child warrior

290

Nasagip noong Martes ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army (PA) ang isang 17-anyos na itinuturing na child warrior dahil ginagawang utusan ng New People’s Army (NPA) sa Echague, Isabela.

Ayon kay Major Noriel Tayaban, spokesperson ng 5th Infantry Division ng PA, nasagip ang batang warrior na nakilala sa pangalang ‘Ka Macoy’ kasunod ng naganap na engkwentro ng militar at NPA sa Brgy. San Carlos, Echague, Isabela.

Sinabi ni Tagaban, nagsagawa ng hot pursuit operation ang hanay ng kasundaluhan at nakitang naiwan si Ka Macoy sa lugar kung saan nagkukuta ang mga rebelde.

Nakuha sa child warrior ang isang M16 rifle, apat na long ma­gazine na naglalaman ng iba’t ibang bala, mga dokumento at marami pang iba.

Aminado naman umano si ‘Ka Macoy’ na miyembro siya ng makakaliwang pangkat kung saan siya ang ginagawang utusan ng mga rebelde mula noong 2018.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Echa­gue Police Station si ‘Ka Macoy’.

Samantala, sinabi naman ni Tayaban na isa lamang propaganda ang unang naging pahayag ng Karapatan Cagayan Valley sa kanilang Facebook account na sapilitang kinuha ang 17-anyos na child warrior. (Allan Bergonia)