Abante Tonite Interactive

De Lima ‘di nababahala sa naarestong kapwa akusado

361

Nagpahayag kahapon si Senador Laila De Lima na hindi siya nababahala sa pagkakaaresto sa kanyang kapwa akusado sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Sinasabing kasama umano ni De Lima sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City si Jose Adrian Dera na nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pampanga.

Nabatid na si Dera umano ang isa sa mga sinasabing inu-utusan ng senadora para mangolekta ng salapi sa ilang preso sa NBP.

Ayon kay Atty. Boni Tacardon, isa sa mga abogado ni De Lima, walang kaugnayan ang senadora kay Dera.

Aniya katunayan mismong si Dera ang nagsabi na wala siyang direktang kaugnayan sa senadora.

Naaresto si Dera sa Pampanga kahapon ng madaling-araw at dinala na ito sa NBI headquarters.

Samantala, matapos maka-balik sa Camp Crame mula sa Bicol, humarap muli si De Lima sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kanyang kasong may kaugna-yan sa illegal drug trade sa loob ng NBP.

Ayon kay Tacardon, dalawang oras lang ang tulog ng senadora dahil emosyonal pa rin ito matapos mabisita ang inang may sakit sa Bicol.

Alas-nuwebe ng umaga nang dumating si De Lima sa korte sakay ng coaster ng Philippine National Police mula sa Camp Crame. (Armida Rico)