Abante Tonite Interactive

De Lima kay Guevarra: ‘Wag kang ipokrito!

731

Ayaw patulan ni Senadora Leila de Lima ang hamon sa kanya ni Justice Secretary Me­nardo Guevarra na ilabas lahat ng ‘legal remedies’ at patunayan sa korte na siya’y biktima lamang ng political persecution.

“Mr. Guevarra, nilutong macao ninyo ang mga kaso laban sa akin. Nag-imbento kayo ng mga asunto at nang-engganyo, nagtulak at nanakot ng mga testigong kriminal laban sa akin,” pahayag ni De Lima kahapon.

“Ginawa na ninyo lahat para makulong ako kahit puro kasinunga­lingan ang mga asunto sa akin sa kabalbalang utos ni Duterte. Ngayon, ang lagay eh kasalanan ko pa kung bakit hindi ako makalaya? Anu ba namang kabalahuraan yan!” dagdag pa nito.

“Hinding hindi namin kailangan ang mga pang-iinsulto o hamon mo. Huwag mong pinapangunahan ang a­king mga abogado. Alam na alam nila ang dapat gawin,” wika pa nito.

Ayon kay De Lima, hindi umano niya kasalanan kung araw-araw ay minumura ni Duterte si Guevarra dahil sa kapalpakan ng kanyang mga prosecutor at pekeng testigo.

“Pero problema mo ‘yan. Pinili mong pagsilbihan ang taong may tama sa ulo. Huwag mong ipasa ngayon sa akin ang pagkaalibadbad ni Duterte sa iyo,” ani De Lima.

“Huwag kang ipokrito. Panindigan mo ang pinili mong landas nang pagkasira ng iyong pagkatao,” wika pa nito. (Dindo Matining)