Abante Tonite Interactive

De Lima kinakalawang na ang utak – Panelo

335

Binuweltahan ng Malacañang ang nakakulong na si Senadora Leila de Lima matapos sisihin at kuwestiyunin ang intelligence community kaugnay sa kambal na pagpapasabog sa Jolo,Sulu.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ipinapakita lamang ni De Lima na kinakalawang na ang utak nito dahil sa pagkakulong dahil walang katuturan ang mga pinagsasabi nito.

Sa halip aniya na suportahan ang mga sundalong nakikipaglaban sa Mindanao at makiramay sa mga nasawi sa pagsabog ay mas pinili nitong libakin ang mga sundalong nasawi habang tumutupad sa tungkulin gayundin sa mga sundalong tumutugis sa mga terorista at handang itaya ang buhay.

Ipinagtanggol din ng kalihim si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga banat ni De Lima matapos sabihing hindi nito kayang protektahan sa pamamagitan ng mga pagbabanta ang mamamayan sa mga terorista.

Nakalimutan aniya ng senadora na si Pangulong Duterte ang dumurog sa mga ISIS at mga local counterpart sa Marawi City, at nagdeklara ng giyera kontra iligal na droga, kriminalidad at korapsyon.

Sinabi pa ni Panelo na kung hindi nagdeklara ng Martial Law sa Minda­nao si Pangulong Duterte ay posibleng matinding kaguluhan, patayan at pambo­bomba ang nararanasan bawat araw.