Abante Tonite Interactive

Dead Heat trending sa FB

0 171

‘Di pa rin maka- move on hanggang ngayon ang bayang karerista sa resultang dead heat ng mga kabayong sina Kisskissbangbang at Daanbantayan sa Condition Race Category 21 Biyernes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Pinakawalan ang nasabing event sa unang karera kaya simula pa lang ay kumukulo na agad ang ulo ng mga kareristang nakataya sa numero 6 na si Daanbantayan nang ideklarang dead hit ang laban.

Trending agad sa Facebook page ng Balitang Karera at ibang site ng karera lalo na nang may maglabas ng kuha ng photo finish.

“Paanong naging dead heat eh kitang-kita naman na si Daanbantayan ang nanalo, ginarapal nila ang resulta siguro nakataya sila sa 2,” hinaing ni Marcelo Gallejo sa FB.

Dahil sa insidente ay nadamay muli ang pangalan ni Narciso Morales dahil siya ang may-ari kay Kisskissbangbang at pati ito ay pinutakti ng komento ng mga karerista sa FB din.

Sari-saring komento, karamihan ay nagliliyab sa galit pero may mga karerista rin na nagtanggol sa resulta at pati si Morales.

“Siguro batikusin natin ang desisyon pero ‘yung isama ang horse owner tingin ko wala naman kinalaman si Morales, ‘di rin ako sang-ayon sa dead heat kasi sa slomo lang kitang-kita na ‘yung 6 ang nanalo,” ani Robert Castillo, mananaya sa Off-Track Betting Station sa Sta. Mesa, Maynila. (Elech Dawa)