Abante Tonite Interactive

Deal or no deal

449

Madalas kaysa hindi na nagkakaroon ng deal sa isang poker tournament kapag iilang manlalaro na lang ang natitira sa lamesa.

Ang pinakapopular na paraan sa paghati ng ­premyo ay ginagamitan ng tinatawag na independent chip model (ICM). Merong ICM calculator na ­ginagamit para malaman ang ­magiging kaparte ng mga manlalaro na kasali sa deal.

Hindi ko alam ang formula sa ICM deal pero ito ang madalas na ginagamit dahil mas dikit ang hatian ng premyo kumpara sa tinatawag na chip chop.
Bibigyan ko kayo ng halimbawa ng chip chop deal.

Sabihin natin na merong apat na manlalaro na maghahati sa P10,000 premyo at merong 10,000 chips total silang hawak. Kung walang deal, P4,000, P2,500, 2,000 at P1,500 dapat ang pagkakasunud-sunod ng premyong ipamimigay.

Sa chip chop, garantisadong may P1,500 na ang bawat isa sa kanila na katumbas ng fourth prize. Ang natitirang P4,000 ay hahatiin base sa kanilang chip count. Kung 3,200 ang hawak ng chip leader, P2,780 ang mapupunta sa kaniyang premyo. Bale 32% kasi ang chips ang hawak niya at ang 32% ng P4,000 ay P1,280.

Pagsamahin mo ang P1,500 at P1,280 at ang lalabas ay P2,780. Kung nasa 6,700 ang chips ng ­nangunguna, P4,180 (P1,500 + P2,680) ang ­magiging premyo niya.

Mas simple ang kuwentahan sa chip chop pero dahil pabor ito sa may hawak na malaking chips ay mas gusto ng marami na ICM ang gamitin.

Sa ICM kapag 3,200 ang hawak na chips ng nangunguna ay P2,699.85 ang makukuha niya at kung 6,700 naman ay P3,460.73. Mas maliit ang makukuha ng chip leader sa ICM kumpara sa chip chop kaya mas malaki pa ang paghahatian ng nasa ibaba.