Abante Tonite Interactive

Deborah Sun, anak laglag sa buy-bust

0 1,799

Swak sa bilangguan ang isang dating aktres, anak nitong babae at dalawa pang katao makaraang masakote sa buy-bust operation sa Quezon City nitong Linggo nang madaling-araw.

Kinilala ni QCPD-Station 8 commander P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro ang mga naaresto na sina Deborah Sun (Jean Louise Porcuna Salvador sa tunay na buhay), 60-anyos; anak na si Angela Salvador alyas Ate, 45; Gerald De Guzman alyas Gerry, 53; at Gonzalo Gonzales alyas Zaldy 49, pawang residente sa New York Mansion sa Brgy. E. Rodriguez, Quezon City.

Ayon kay Bilaro, nasakote ang grupo ng dating aktres dakong ala-1:30 nang madaling-araw sa Room 803-A ng New York Mansion.

Unang nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa ginagawang iligal ng mga suspek sa nasabing unit kaya agad silang nakipag-coordinate sa Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NRC) at ikinasa ang buy-bust operation.

Matapos matiyak na nasa loob ng nasabing unit ang mga suspek ay saka isinagawa ang buy-bust operation kung saan habang inaabot diumano ni De Guzman ang shabu sa isang poseur buyer ay agad itong dinakma ng mga nakakubling awtordiad.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang mahigit isang gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6,800 at mga drug paraphernalia. Narekober din ang P1,000 marked money na ginamit sa buy-bust.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa QCPD-Station 8 sa Project 4 habang inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanila dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Si Deborah Sun ay kapatid ng aktor na si Philip Salvador at pinsan ni Maja Salvador, ang bida sa “The Killer Bride” na teleserye ng ABS-CBN. (Dolly Cabreza)