Abante Tonite Interactive

Deed of sale paano mapapawalang bisa?

314

Dear Atty. Claire,
Nais ko lamang po humingi sa inyo ng payo kung papaano po ba mapawalang bisa ang isang deed of sale ng isang lupa na ginawa sa pagitan ng aking tiyahin at ng aking ina na 85 years old, sa tulong ng isa ko pong nakakatandang kapatid. Anim po kaming magkakapatid at wala pong alam ang lima sa ginawang bentahan maliban sa isa naming kapatid na nakatatanda.

Noong una ay sa kwentuhan lang namin nalaman ang bentahan nangyari pero nung lumabas na ang dokumento para pirmahan ng nanay namin ay doon namin nalaman at natanto na totoo talaga ang bentahan. Sinaway ko pa ang nanay ko na huwag pirmahan ang deed of sale sa kadahilanang hindi naman siya kinakapos at suportado naman siya sa medical na panga­ngailangan ng aking 2 pang mga kapatid. Pero nabalitaan ko itinuloy pa rin ng aming ina ang pagpirma sa deed of sale na pinadala ng tiyahin ko sa bahay namin.

Ano po ba ang maaari po naming gawin?

Maraming salamat po,
Lyndon

Mr. Lyndon,
Unang-una ay hindi mo nabanggit kung sino ba ang may-ari ng lupa. Ito ba ay pag-aari ng nanay at tatay mo o sa nanay mo lamang na mana niya sa kanyang magulang. Kung sa nanay mo lamang ang pagmamay-ari nito ay wala kayong magagawa kung nais niyang ibenta ito ma­liban lamang kung nalaman ninyo na hindi na kayang mag-decide ang nanay ninyo nang mag-isa at hindi niya naiintindihan ang kanyang pinirmahan. Ngunit kung boluntaryo ang pagbebenta na ginawa niya ay hindi ninyo siya mapipigil at hindi kailangan na ipaalam pa sa inyo ang nais niya sa property niya.

Ang pagpigil mo sa pagbenta ng ari-arian dahil sa may pera naman siya ay hindi ligal na dahilan para mapawalang-bisa ang bentahan na pag-aari niya. Habang buhay ang nanay ninyo na siyang solong o ekslusibong may-ari nito ay wala pa kayong karapatan at hindi rin kayo masasabing taga­pagmana niya.

Kung balak niyang ibigay ang pera sa isang kapatid mo habang buhay pa ang nanay mo ay wala rin kayong magagawa rito dahil may karapatan siyang gawin ang nais niya sa kanyang ari-arian.

Kung ang property naman ay sa nanay at tatay ninyo ay wala siyang karapatan na ibenta ito nang mag-isa dahil kung wala na ang tatay ninyo ay may karapatan na kayo bilang tagapagmana ng tatay mo.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.