Abante Tonite Interactive

Dehado ang nagwagi

By
257

Tulad ng inaasahan ay dinumog ng mga magagaling na poker player sa bansa ang P2M Guaranteed No Limit Hold’em Tournament sa Metro Card Club sa Ortigas.

Nagmistulang heavyweight fight ang final day ng kompetisyon dahil puro bigatin sa larangan ng poker ang natirang 18 player.

Ang top three Filipino poker player na sina Mike Takayama, Lester Edoc at John Tech ay nakapasok lahat sa final table kasama ang Rivera brothers na sina Mark at Euryd.

Ang limang iyan din po ang huling mga player na natira sa final table.

Sa limang nabanggit ay si Euryd ang maituturing na dehado. Sina Takayama, Edoc at Tech ang nangu­ngunang tatlong Pinoy kung pagbabasehan ang career earnings habang si Mark ay sariwa pa sa kanyang panalo sa APPT National kamakailan lang kung saan nagbulsa siya ng P4.5 milyon.

Pero dahil sadyang mahiwaga ang poker, si Euryd ang nagwagi matapos ang 11-hour marathon sa huling araw ng laban. Nakalaban niya sa heads up ang kanyang kapatid na si Mark.

Si Takayama na kauna-unahang Pinoy na nanalo ng World Series of Poker (WSOP) bracelet ay nagtapos na pangatlo habang ang chip leader sa simul­a ng final table na si Tech ay pumang-apat.

Nagkasya sa ikalimang puwesto ang multi-time Metro champion na si Edoc.

Sumali rin po ako sa torneong ito pero na-eliminate agad sa Level 15. Medyo nanghihinayang ako dahil isa ako sa chip leader sa kaagahan ng laro.

Umabot agad ng mahigit 100,000 ang chips ko sa Level 7 pa lang pero hindi ko na-maintain ang pace na iyon. Mas nanghinayang ako nang malaman ko na merong nakapasok sa final day na may 102,000 chips lang.

Bawi na lang sa susunod.