Abante Tonite Interactive

Del Monte pineapple juice may halong dumi

1,527

Inireklamo ng Batanguenang si Brenda Cauntay ang Fiber-enriched Del Monte Pineapple Juice na nasa ­1-liter tetra pack na umano’y may mga maiitim na ­buo-buong itim na dumi.

Sabi ni Cauntay, inumpisahan niyang uminom ng Del Monte Pineapple Juice para bumaba ang kanyang blood pressure ngunit tumaas ang kanyang presyon nang makita niya ang lumabas na dumi na parang balat ng bangus sa tetra pack nang binuhos niya ito sa baso.

Sa video na ipinost ni Cauntay sa Facebook, sa July 20, 2020 pa mag-eexpire ang nabili niyang Del ­Monte Pineapple Juice na nasa tetra pack. Ginupit pa ni Cauntay ang tetra pack para tignan kung ang foil sa loob nito nagmumula ang dumi subalit buo naman ang foil sa loob.
“Iwww…kadiri,” sabi ni Ybes Sagala Mercado.

“Ano yan. Akala ko ipis,” sabi ni Florida Dela Vega Garcia.

“Yaaakkk kadiri san nga po niyo binili ate konsi, ipakita niyo po du’n ‘yan video na ‘yan,” sabi naman ni Ana Lou Aquino Umali.

Sabi ni Cauntay, mas nakakatakot ito kung nangyari sa maliit na tetrapack na may straw dahil maiinom na lang ng tao ang dumi. Hindi naman kasi amoy panis ang juice nang binuksan nila.

Mabilis namang umaksyon ang pamunuan ng Del Monte Philippines.

Sabi ng Del Monte, tinitignan na nila ang insidente at nakipag-ugnayan na ito kay Cauntay.

“Del Monte is committed to the enjoyment and ­quality of its products so this feedback is being looked into with our earnest attention,” sabi ng Del Monte. (Eileen Mencias)