Abante Tonite Interactive

Del Rosario sinalo ni Duterte sa Marawi fund, nagpasalamat

251

Mistulang nabunutan ng tinik si Task Force Bangon Marawi head Secretary Eduardo del Rosario matapos ipagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng limang milyong pisong pondo na ginamit sa Hajj pilgri­mage sa Saudi Arabia.

Sa ipinalabas na pahayag ni Del Rosario, nagpasalamat ito sa suporta ng Pangulo matapos kuwestiyonin ng Commission on Audit (COA) ang paggamit nila ng pondo para sa pilgrimage ng 25 internally displaced people (IDPs) mula sa Marawi.

Pinatunayan lamang aniya ng Pangulo na nauunawaan nito ang kultura ng Islam at ang liderato nito ay tunay na inspirasyon para mas lalo pang maging positibo sa pagbabago at sa paglilingkod sa kapwa.

“I am very grateful for the President’s expression of full support to TFBM’s sponsorhip of 27 IDPs to Hajj pilgrimage in Saudi Arabia.

This bespeaks well of the President’s deep understanding of the Islamic culture and its implications. The President’s sterling leadership truly inspires and drives us to bring about more positive changes in public service,” ani del Rosario.

Sa ginanap na selebrasyon ng Eid’l Fitr sa Davao City noong Huwebes nang gabi ay ipinagtanggol ng Pangulo ang paggamit ng task force sa limang milyong pisong pondo para sa Hajj pilgrimage ng ilang taga-Marawi na aniya ay lubhang mahalaga para sa mga nananampalataya sa Islam dahil mas mahalaga ito kaysa sa isang mansiyon para sa mga biktima ng giyera.

Pinakiusapan din ni Pangulong Duterte ang COA na irekonsidera ang naging aksiyon ng TF Bangon Marawi dahil hindi naman nagpunta sa Saudi Arabia ang mga naisponsoran para mag-selfie, kundi tumugon lamang ang mga ito sa kanilang religious obligation. (Aileen Taliping)