Abante Tonite Interactive

Delihensya pa more sa Megamall naman

By
1,424

Magsilbi sana itong babala sa mga moto­ristang magagawi sa Megamall sa Mandaluyong City.

Kapag papunta kayo sa naturang mall at ga­ling kayo ng Julia Vargas Ave. C5, tiyakin ang lane na inyong tinatahak.

Malakas ang delihensyahan dito ng mga tiwaling traffic enforcer ng naturang lungsod.

At kapag nasa EDSA naman kayo, huwag din kayong kakanan ng JVA papasok ng Megamall.

Isa rin itong trip trap ng mga tiwali pa ring traffic enforcer.

Kung tutuusin wala namang kaso para hulihin ang mga motorista dahil katunayan wala namang mga naabalang iba pang motorista.

Ang rason ng mga tinamaan ng magaling na traffic enforcer kapag galing ka sa JVA C5 ay swerving.

Dapat daw kapag nasa inner lane, doon ka papasok sa kaliwang bahagi ng island habang kapag nasa outer lane dapat deretso ka sa kanan.

Katunayan walang kaso yan dahil pagda­ting mo sa dulo ng island ay pupwede ka pa ring kumaliwa papuntang San Miguel Avenue ng Megamall.

Nakatayo ang tiwa­ling traffic enforcer diyan sa unahan ng island at may isa pa sa gawing kaliwa nito kaya’t walang lusot ang magugulat na lang na motorista kung bakit siya hinuli.

Sa may EDSA naman ng JVA, paliwanag ng mga ungas ay doon pa sa may Poveda ang pasukan ng mga papuntang Megamall sabay hingi nito ang inyong driver’s license.

“Sobrang layo pa noon,” masasabi niyo na lang sa inyong sarili sabay areglo na lang para hindi na tumagal pa ang abala na hindi sana.

Ilan lamang ito sa mga nakakapesteng lugar sa Metro Manila na ginagawang kikilan o gatasan ng tiwaling traffic enforcers.

Hindi dapat ganito ang oryentasyon ng ating mga kagawad ng lansangan.

Ang tama sana ay tulungan at turuan ang mga motorista sa tamang daanan sa ikaaa­yos ng daloy ng trapiko.

Katunayan habang hinuhuli ang isang kawawang biktima ng mga ito, ay sanrekwa na ang dumaan at gumawa ng violation kung ganon man.

Kung kaya ang maugong na tanong dito ay kung nasaan ba talaga ang hustisya sa lansangan?

***
Sumulat lamang sa 2015motorista@gmail.com.