Abante Tonite Interactive

Delikadong panahon

SPY ON THE JOB

By
188

Isa sa mga magandang naidulot ng social media ay malalaman natin kaagad ang nangyayari sa paligid sa pamamagitan ng mga ipino-post na video o larawan ng mga netizen tulad ng mga nangyayaring krimen sa kalye. Iyon nga lang, may iba rin itong epekto – takot.

Minsan ay nagtanong ang isa nating lakwatserong kurimaw kung nakita ba raw natin sa social media ang isang video na kuha sa isang kalye sa Metro Manila habang pilit na binubuksan ng isang lalaki ang likod ng isang kotse na nakatigil sa stoplight.

Kahit wala namang sasakyan ang ating kurimaw, natakot pa rin daw siya para sa ibang mga motorista. Katuwiran niya, nadagdagan na naman ang peligro sa kalye at may panibagong kampon ang mga buraot na pasaway sa lansangan.

May katuwiran ang ating kurimaw na ma­ngamba. Hindi naman kasi ito ang unang insidente na may lumabas na video sa social media tungkol sa pag-atake sa mga sasakyan sa kalye. Katunayan, kamakailan lang eh may isang sasakyan din na nakunan sa dashcam na pilit binubuksan ng isang buraot ang kaniyang pintuan sa Parañaque.

Ang tanong, papaano ito matitigil? Aba’y nagiging kahiya-hiya ang Pilipinas sa mga dayuhan na makakakita nito.

Dati kasi, mga truck ang tina-target ng mga buraot sa kalye at ninanakawan ng mga gamit na kanilang maibebenta gaya ng mga tubo o bakal. Pero ngayon, may nakita tayong jeepney driver na inagawan ng kita, taxi na sinampahan, mga pasaherong inaagawan ng cellphone, at ngayon nga eh pilit na nilang binubuksan ang mga sasakyang naiipit sa trapiko.

But wait there’s more… kamakailan din lang mga tsong eh may naiulat na mga kabataang nambabato ng mga sasakyan sa SLEX. Mabuti na lang at walang nasaktan sa insidente bagaman may sasakyan na nabasagan ng salamin at ang iba ay nagkayupi ang sasakyan dahil sa tama ng malaking bato.

Papaano na lang kaya kung biglang napahinto sa gulat ang driver ng isang sasakyan na binato sa gitna ng expressway? Aba’y posibleng mabangga siya ng kaniyang kasunod at pagmulan ng matinding trahediya ang nangya­ring pambabato.

Nasaan naman ang mga buraot na nambato sa expressway? Nganga! Katuwiran ng opisyal sa barangay na nakasasakop kung saan nangyari ang pambabato, hindi taga-lugar nila ang mga suspek na tinawag niyang mga batang kalye. Mukhang alam naman nila ang dating ginagawa ng mga mokong pero ano kayang ginawa nila para hindi na makaulit? Nganga uli siguro si kapitan.

Hindi man siguro tatanggapin ng mga grupong nagsusulong sa kapakanan ng mga kabataan pero ang katotohanan ay nagkaroon na ng malaking pagbabago sa kaisipan ng mga menor de edad ngayon at mas nagiging mapangahas na silang gumawa ng kalokohan.

Dahil na rin siguro sa kahirapan, modernong teknolohiya at social media, mas maagang naagaw na ang kanilang kamusmusan. Aba’y ang mga lalaki at babae siguro ngayon na edad 13 eh nagkakaroon na agad ng muwang sa kamunduhan dahil isang click lang sa Internet ang lahat. Kung may magulang na gagabay, maaaring makontrol at mabantayan pa sila pero papaano ang mga wala? Kaya nga dumadami rin ang mga kabataang nabubuntis nang wala sa panahon.

At dahil din siguro sa mga post at naiba­balita sa social media, nalalaman na rin ng mga kabataan na maaari nilang lusutan ang batas kapag wala pa sila sa edad na 18. Kaya ang mga mokong, lumalakas ang loob na gumawa ng iligal, krimen at mamerwisyo ng kahit sino – pati mga motorista.

Marahil panahon na para masusing talakayin muli ang Kongreso ang batas tungkol sa mga kabataang napapasok sa kalokohan o “in conflict with the law.” May panukalang batas na inihain na naglalayong ibaba sa edad 12 ang criminal liability mula sa kasalukuyang 15.

Natural na aangal ang mga grupo na nagsusulong ng kapakanan ng mga kabataan sa panukalang ito pero maganda itong talakayin ngayon para makabuo ng mga bagong polisiya at programa kung papaano tutugunan ang problema sa mga kabataang pasa­way bago maging huli ang lahat. Dapat matigil na ang katuwirang, “lagi naming hinuhuli ‘yan pero nakakalaya rin dahil menor de edad at babalik uli sa kalye.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”