Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Delta ‘force’

0 61

Matapos ang India, ang Indonesia naman ang kinakabayo ng kamalasan sa COVID-19 na original na nanggaling sa China. Ang tanong mga tropapips, kayanin kaya natin ang “force” ng “Delta” variant na sinasabing mas mabilis makahawa kaysa ibang variant?

Siyempre kung tatanungin natin ang mga opisyal natin, nakahanda ang isasagot nila. Magmumukha naman silang inutil kung sasabihin nilang hindi sila handa.

Pero nakita naman natin ang nangyari noong Abril nang magkahetot-hetot ang maraming pasyente na ilang ospital ang tinatakbuhan para ma-admit ang kaniyang maysakit. Ang iba, sa bahay na lang naghintay na bawian ng buhay.

At habang hilong-talilong ang mga pasyente at mga healthcare frontliners, nagkumahog ang mga “czar” sa contact tracing, swab test, pagtatayo ng mga quarantine at isolation center, at mga modular hospital.

Nangyayari ang lahat nang iyan habang inilagay ulit sa mas mahigpit na lockdown ang Metro Manila… plus ang mga kalapit na probinsiya.

Ang tanong malamang ng mga kurimaw natin na praning na sa kakaisip kung kailan matatapos ang pandemic: natuto kaya ng leksiyon ang mga opisyal sa nangyari noong Abril?

Kung dati ang India ang napapanood natin na kung saan-saan na sinusunog ang bangkay ng mga kababayan nilang namamatay dahil sa sobrang dami, ngayon, ang Indonesia naman ang nakikita natin sa mga balita na naghahanda ng napakaraming hukay at ataul para ilibing ang mga namatay nila sa virus.

Sa ngayon, nasa 2.73 milyon ang kabuang COVID cases nila at mahigit 70,000 na ang namamatay. Ang nakababahala nito, sa nakalipas lang na mga araw, pumapalo sa 40,000 hanggang 60,000 ang mga bagong kaso sa loob lang ng isang araw.

Ang namamatay sa kanila araw-araw, halos umabot sa 1,000. At ang aktibong kaso nila ay nasa halahating milyon. Ang isa sa pinapaniwalaan na dahilan ng biglang pagdami ng COVID cases sa kanila ay ang Delta variant at ang mabagal nilang pagbabakuna.

Pero dapat ba tayong maalarma? Aba’y kung titingnan natin ang mapa mga tropapips, napakalapit natin sa Indonesia, ika nga eh isang “singa” lang ang layo. Puwede ngang makatawid sa dalawang bansa gamit lang ang bangka.

Kaya kahit nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas sa Indonesia, dapat bantayan nang mala-Jawo ang “backdoor” o ang mga pantalan sa Mindanao. At kung sa Mindanao kaya manggaling ang pagdami ng Delta variant, gaano kaya kahanda ang rehiyon?

Kamakailan lang, kinumpirma ng DOH na mayroon nang “local” cases ng Delta variant sa Pilipinas. Ibig sabihin, nagkaroon ng naturang uri ng virus ang mga pasyente kahit hindi sila lumabas ng bansa.

Kung bakuna ang panlaban talaga sa lahat COVID variants, aba’y dapat talagang paspasan ang pagbabakuna sa bansa. Sa Indonesia, nasa 55.8 milyon doses na ng bakuna ang naiturok nila. Pero nasa 15.9 milyon pa lang ng 276 milyon populasyon nila ang fully vaccinated o katumbas ng 5.9 percent.

Sa atin sa Pilipinas na may mahigit 100 milyon populasyon, nasa 14 milyon ang naibigay na bakuna, pero nasa apat na milyon pa lang ang fully vaccinated o katumbas ng 3.7 percent.

Kaya kung gagamitin ang math at malasin tayo [na Lord ‘wag naman sana] sa Delta variant, ika nga, alam na this na mga tropapips. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.