Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Delta variant matinik

0 76

Nakapasok na sa bansa ang kinatatakutang Delta variant matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na mayroon ng community transmission ang nabanggit na COVID variant.

Ang Delta variant ang nananalasa ngayon sa Indonesia at Malaysia at nakapaghasik na ng lagim sa India kung saan marami ang namatay.

Kung matatandaan, sa India unang pumutok ang Delta variant at dahil hindi nakayanan ang bagsik nito ay sinusunog na lamang ang mga namamatay sa COVID-19 sa open space dahil hindi na kinaya sa mga crematorium.

Bagamat nagpatupad ng travel restrictions ang gobyerno sa walong bansa, partikular ang India, Pakistan, Sri Lanka, Bangladesh, Nepal, Oman, United Arab Emirates at Indonesia, nagawa pa ring makalusot ng Delta variant papasok sa bansa.

Paulit-ulit na sinasabi ng DOH at mga esksperto na higpitan ang border control para hindi makapasok ang Delta Variant pero tila ba mala-palos ito sa dulas at walang kahirap-hirap na umatake na na ilang indibidwal.

Ayon sa DOH, 11 ang naitalang local cases mula sa Delta variant at isa ang namatay sa mga kinapitan nito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ayon sa mga eksperto, mabilis kumalat ang nabanggit na deadly variant at nakaamba ang peligro kahit sa lungsod o sa mga malalayo lugar.

Nakita ang bakas ng Delta variant sa Metro Manila, Cagayan de Oro, Misamis Oriental, Antique at Pampanga at aktibo na ang contact tracing para matunton ang posible iba lang carrier ng nabanggit na COVID variant.

May dapat bang ipangamba ang publiko? Meron po dahil mas mabagsik ang Delta variant kumpara sa Alpha at Beta variant na unang natukoy sa mga unang buwan ng taon.

Kaya ang payo po ng mga esksperto, patuloy na sumunod sa ipinaiiral na health protocols laban sa COVID -19 para sa proteksiyon, at magpaturok ng COVID vaccine.

Huwag pong maliitin o balewalain ang bagsik ng Delta variant dahil mahaba-haba na ang ipinagsasakripisyo ng mga Pilipino at kung kailan may bakuna ay saka naman baka mamiligro ang buhay dahil lamang sa hindi pagiging maingat.

Ang buhay ay mahalaga kaya dapat sumunod sa mga paalala ng gobyerno at mga otoridad para makaiwas sa peligro ng COVID -19 at sa banta ng Delta variant na nakalusot na sa bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.