Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Delta variant

0 245

Mabilis na dineklara ng Department of Health nitong nakaraang linggo na maituturing nang “low risk” ang Pilipinas sa COVID-19 matapos magtala ng pababang bilang ng mga bagong kaso (average na 5,772 mula Hunyo 24 hanggang 30, lkumpara sa 10,845 average na kaso sa rurok ng daluyong noong Abril 9 hanggang 15).

Mabuti na lamang at mabilis ding naglabas ng puna ang kinatawan ng World Health Organization sa Pilipinas, si Dr. Rabindra Abeyasinghe, sa adelantadong pahayag ng DOH: “I think we need to be more cautious. … We need to be consistent in our messaging, the public needs to be aware that the risk remains, they need to follow the protocols, they need to follow the minimum public health standards.” Dagdag pa niya: “Are we at low risk of future COVID cases? No, we are not at low risk of future cases. This is a pandemic, we are dealing with a very delicate situation.”

Makatwiran at nasa lugar ang pagpuna ni Abeyasinghe sa iresponsableng pahayag ng DOH. Habang waring naghuhudyat ang administrasyong Duterte sa publiko na maaaring magluwag at maging kampante matapos bumaba ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID at makaramdam ng kaluwagan ang mga ospital, nasasaksihan naman ngayon pambihirang paglaganap ng “delta variant” ng coronavirus sa buong daigdig. Unang natukoy ang delta variant (opisyal na designasyon: B.1.617.2) ng SARS-COV2 virus sa India noong Mayo, ngunit matatagpuan na ngayon sa 95 bansa. Bakit kailangang mag-ingat sa delta variant? May tatlong dahilan, ayon sa mga siyentista: higit na nakahahawa; higit na malubha; at may higit na kakayahang malusutan ang mga bakuna.

Dinaranas ngayon ng mga bansang nangunguna sa daigdig sa pagbabakuna ang daluyong ng mga bagong kaso na dulot ng delta variant, kabilang ang Israel (kung saan kumpleto ang bakuna ng 60% ng populasyon), US at UK (parehong nasa 50% ang fully vaccinated). Ayon sa isang bagong ulat mula sa Israel, na gumamit pangunahin ng Pfizer (na itinuturing na gold standard o pinakamabisa sa lahat ng mga aprubadong bakuna), bumagsak umano ang bisa nito sa 64%, kumpara sa 95% laban sa orihinal na tipo ng coronavirus. Tumataas din ang hospitalization rate sa mga naturang bansa dulot ng mabilis na paglaganap ng delta variant.

Ayon naman sa isang pag-aaral sa Australia, sapat na raw ang 5-10 segundong malapitang engkuwentro (“fleeting exposure”) upang mahawa ng delta variant, kumpara sa kasalukuyang pamantayan na 15 minutong malapitang exposure para maituring kang “close contact.” Natuklasan din nila na umaabot sa 100% ang household transmission ng delta variant (nahahawa ang lahat sa isang tahanan), kumpara sa dating 25% lamang. Pinakita naman ng isang pag-aaral sa Singapore na maaaring maghawahan ng delta variant kahit ang mga indibidwal na kumpleto na sa bakuna.

Ayon sa limitadong kakayahan ng Pilipinas sa genomic sequencing (prosesong ginagamit upang matukoy ang iba’t ibang variant ng coronavirus), naitala ang 19 na kaso ng delta variant. Sa madaling sabi, nakatungtong na ito sa ating mga dalampasigan. Kailangan ang ibayong pagbabantay, pagpapanatili ng mga angkop na health protocol, at pagpapaunlad ng pandemic response ng gubyerno. Hindi natin kailangan ang isang administrasyong nagmamalaki na “low risk” na ang Pilipinas sa COVID-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.