Abante Tonite Interactive

Demand letter dahil sa credit card

LET’S CLEAR IT

By
538

Dear Atty. Claire,

I am Ariz, may kakatanungan lang po ako about sa credit card po. Meron po akong credit card na may limit po na P25 thousand. Noong may trabaho po ako ay nababayaran ko naman po pero sa hindi inaasahan nawalan po ako ng trabaho kaya po ‘yung na-pending kong utang sa credit card ay ‘di ko mababayaran at nakaka-recieve na po ako ng mga demand letter galing sa kanila.

May binigay na number ‘yung barangay chairman namin galing daw kay Senior Officer Hernandez daw, tinawagan ko nman po as per po sa kanya subject for sheriff ‘yung bahay namin wala pong ako kakaalam about doon kaya pinatawagan niya po ako sa nag­ngangalang Atty Richar­d. As per din po sa kanya ay subject for Sheriff din daw ‘yung bahay namin kaso sabi ko po wala po ako alam.

Kaya po pinatawag niya po ako kay Atty. Romulo. As per po sa kanya sa hindi ko pagba­yad sa credit card worth P20,000 kasama na interest ay kukuha sila ng ilang gamit sa bahay bilang kabayaran, may sinasabi po siya affidavit galing sa korte. Sabi ko namn ‘yung property kukunin niyo ‘di po sa akin sa magulang ko sa kapatid ko. Binigyan niya ako ng palugit na until Friday mabayaran kahit ‘yung limit na lang na 25,000.

Kaninang umaga po nag-text ako sa kanya, nakikiusap na hala­gang P10,000 lang kaya ko bayaran kaso ‘di po sila pumayag, kung di ko daw mabayaran sa Friday ang halaga P25,000 itutuloy niya ang pag-sheriff sa bahay ng magulang ko at puwede daw niya ako kasuhan. Ayaw niya po pakinggan ‘yung paliwanag ko.

Balak ko naman po bayaran sila paunti- unti kapag nkapagtrabaho na ako ulit. pero sa ngayon po talaga wala po ako kakayanang magbayad sa halagang hinihingi nila. Super depressed na po ako, limang buwan pa lang po ako naganganak sa super depressed ko may time na ‘di ko na maalagaan ang baby ko sa kakaisip. Hindi na rin po ako makakain, may time na ‘di ko na napapansin ‘yung baby ko umiiyak na sa sobra kakaisip ko po kung saan ko kukunin ang halagang hinihingi nila.

Single parent po ako at ‘yung tatay ng anak ko ‘di po pinanagutan. ‘Di na rin ako nakakatulog dahil sa takot ko na baka kunin nila ang pinaghirapan ng magulang ko na ipundar at sa takot ko din na baka atakihin sa puso ang nanay ko. Ano po dapat ko. Tulungan ninyo po ako.
From Ariz

Ms. Ariz,

Alam ko na may dapat kang bayarang utang at nakita ko naman sa iyo na wala kang balak na takbuhan ang pagkakautang mo. Nasabi mo na binalak mong magbayad ng paunti-unti pero hindi ka pinakinggan.

Totoo na maari kang kasuhan ngunit hindi totoo na magagawa nila ang sinasabing pagpapapunta ng sheriff sa bahay ninyo dahil wala naman silang anumang kasong naisasampa sa iyo. Hindi maaaring maghakot ng gamit sa bahay ng nanay mo nang wala kang natatanggap na patawag mula sa korte.

Tandaan mo na may karapatan kang madinig ng korte at ipakita ang anumang depensa mo bago ito magdesisyon at singilin ang mga utang mo. Ang mga sinasabi nila sa iyo ay pulos pangloloko ng mga naniningil sayo upang sumang-ayon ka na lamang sa gusto nila nang hindi na nagsasampa pa ng kaso sa korte.