Abante Tonite Interactive

Demolition team nireklamo ng pagnanakaw

By
121

Apat na miyembro ng isang demolition team ang sinampahan ng kaso sa piskalya dahil sa pagnanakaw ng mga kagamitan ng isang dental clinic na umaabot sa halos P1,000,000.00 halaga sa loob ng isang commercial building sa Pedro Gil St., Sta. Ana, Maynila.

Isinampa ang kaso sa Manila Prosecutor’s Office ang mga kasong paglabag sa Article 299 ng Revised Penal Code o ‘robbery in an inhabited house or public building’ laban sa mga suspek na kinilalang sina Alexander Abejo, 39, team leader; Sonny Castro, 28; Kobe Abejo, 20; Arnel Gonzales, 40; at Jayron Galima, 24, pawang taga-Antipolo City.

Inakusahan ang apat dahil sa pagkawala ng nasa P905,000 halaga ng mga kagamitan sa loob ng inuupahang dental clinic ng isang Marlene Cruz, 62-anyos, dakong alas-3:30 nang hapon noong Nobyembre 30.

Abante Hiring – IT dep

Ayon sa biktima, giniba umano ng mga suspek ang gusali na pag-aari ng isang Joseph Sy at nang puntahan niya ang dental clinic ay kabilang ito sa winasak at nawawala na ang mga kagamitan sa loob ng kanyang inupahang unit.

Inireklamo ito sa nakasasakop na Brgy. 880 at ipinaaresto ang mga suspek.

Inilipat sa Manila Police District-Station 6 ang kaso pero pinayuhan siya na dalhin sa MPD headquarters dahil nasa hurisdiksyon na ng Theft and Robbery Section ang paghawak sa kaso na lagpas ng P200,000 ang halaga ng nawawala.