Abante Tonite Interactive

Dennis, happy pa rin kay Jennylyn

11
Dennis Trillo
Dennis Trillo

GUWAPO at happy ang Dennis Trillo na nakatsikahan namin kahapon sa set ng Juan Happy Love Story.

Diretsong idinenay ni Dennis ‘yung bali-balitang break na naman sila ni Jennylyn Mercado.
Sey ni Dennis, masaya pa rin sila ni Jen at okey sila ngayon.

Eh bakit may tsikang hiwalay na sila?

“Hindi ko alam kung saan nangga­galing ‘yung mga ‘yon,” sagot ng Kapuso Drama King.

Nagburahan daw kasi sila ng photos nila ni Jen na magkasama sa IG?

“Hindi. Ako, wala naman akong binubura. At saka hindi naman porke nagbura o ano eh may problema na, ‘di ba?

“‘Yun ang hirap sa ano eh… mas mara­ming misinterpretation base sa comments (sa social media).”

Ani Dennis, hindi sila talaga mahilig ni Jen na mag-post ng pics nila together.

Ang dating kasi ay nag-away na naman sila, na nangyari na before. Away-bati ba talaga sila ni Jen?

“Hindi naman. Ano ba namang alam nila (ibang tao), ‘di ba? Hindi naman nila alam kung anong totoong nangyayari.

“Puro mga imahinasyon lang nila ‘yung pinapairal nila. Kaya mas gusto namin talaga na pribado lang,” bulalas ng aktor.

Sey ni Den, hindi rin siya ‘yung tipo na ‘pag nakipag-break sa nobya ay nagde-delete ng pics sa social media.

Wala raw siyang pinagbubura sa mga dati niyang nakarelasyon, nandun pa rin ‘yung old pics nila together.

Nag-Batanes na sila ni Jen, nag-Maldives, nag-Amsterdam. Bahala na raw kung saan ang sunod nilang biyahe toge­ther dahil hindi pa nila napapag-usapan.

Ngayon kasi ay pareho silang busy ni Jen. Si Den ay may Juan Happy Love Story, may cameo role siya sa Camp Sawi ng Viva Films bilang partner ni Bela Padilla, tapos ay may isa pa siyang Viva movie kapareha si Anne Curtis.

Bakit Lahat ng Guwapo May Boyfriend? ang pamagat ng comedy movie kasama si Paolo Ballesteros at ididirek ni Jun Lana.

Ang ganda ng mood ni Dennis dahil natutuwa sila ng leading lady niya na si Heart Evangelista na ang gaganda ng feedback sa naughty primetime show nila.

Ani Dennis, masaya silang pinapanood sila ng maraming tao dahil pampawala sila ng stress gabi-gabi.

Tinalo na nila ang ka-tapat nilang show sa kabila kaya magtatapos na ito.

Marami pang kulitan at lambingan ang DenHeart bilang mag-asawa ngayong kasal na sila sa Juan Happy Love Story na napapanood sa GMA Telebabad pagkatapos ng Once Again. (ALLAN DIONES)