Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dennis tameme sa pasabog ni Leon; hirap sagutin ang pagkukulang sa mga anak

0 90

NI: CRISTY S. FERMIN

Nahimasmasan na si Dennis Padilla. Napakalinis na ngayon ng kanyang social media account. Binura na niya ang lahat ng posts niya, wala na siyang itinira, pati ang sulat ng kanyang anak na si Leon ay burado na rin.

Kailangan nang gawin ‘yon ni Dennis kung talagang katahimikan ng buhay nilang mag-aama ang gusto niyang mangyari. Tama na ang mga pailalim na parinig, tama na ang paninita sa kanyang mga anak, gasgas nang isyu ‘yon.

Akala siguro ni Dennis ay palagi na lang mananahimik ang magkakapatid sa kanyang mga pinalulutang na kuwento. Hindi niya inasahan na ang bunso palang si Leon ang sasagot sa kanyang mga pagkukulang.

Mahirap sagutin ang mga kontra-tanong sa kanya ni Leon. Ang tulay na binubuo nilang mag-uutol pero ilang taon nang winawasak ni Dennis.

Ang pamba-bash sa kanilang magkakapatid dahil sa pinalulutang niyang kawalan ng respeto at pag-alala ng mga ito kapag may okasyon.

Ngayon lang kasi may sumagot sa mga anak nila ni Marjorie. Iwas-bashing ang mga ito. Tama man sila o mali ay sila pa rin naman ang mapupuruhan ng mga bashers.

Tama ang unang hakbang na ginawa ni Dennis. Alisin na niya ang mga posts na makapagpapaalala sa kanya ng malungkot niyang karanasan sa kanyang mga anak.

Hanggang natutulog siya sa kahapon ay walang mangyayari, kailangan niyang kumilos nang pasulong, huwag na niyang hinahanapan pa ng pagkukulang ang kanyang mga anak.

Mas mahirap sagutin ang tanong na wala ba siyang pagkukulang sa kanyang mga anak? Pinanindigan ba niya ang pagiging ama sa mga ito nang maghiwalay sila ni Marjorie?

Leave A Reply

Your email address will not be published.