Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dennis Uy ginisa Chevron sa sariling mantika

0 59

“Ginisa sa sariling mantika!”

Ganito inilarawan ni Senador Sherwin Gatchalian ang ginawang pagbili ng ng negosyanteng si Dennis Uy sa 45% stake ng Chevron sa Malampaya noong 2020.

Ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate committee on energy, kinumpirma umano ni Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) president Rozzano D. Briguez na baon sa utang ang Dabawenyong negosyante na si Uy at hindi naglabas ng kahit ni isang sentimo nang bilhin ang 45% stake ng Chevron sa Malampaya gas field.

Sa kanyang testimonya sa pagdinig sa Senado, ibinunyag ni Briguez na humiram si Uy ng $375 milyon mula sa ING Bank at Australia New Zealand Bank Group (ANZ) para bayaran ang bahagi ng acquisition cost.

Base umano sa pagsisiyasat ng PNOC, sinabi ni Briguez na nakakuha si Uy ng $157 milyon bilang “net entitlement” mula sa kinita ng Malampaya noong Hunyo 2019 na naka-book noong Hunyo 2020 sa ilalim ng holding firm nito na Udenna matapos makumpleto ang pagbili sa stake ng Chevron.

Sabi pa ni Briguez, dapat sana’y maglabas si Uy ng $33 milyon na cash para bilhin ang Chevron na magmumula sa $220 milyon (P11 bilyon) equity fund raising. Subalit hindi nagawa ni Uy na maglabas ng cash payment dahil tagilid umano ang capital raising plan ng Udenna.

“We’re not sure how money was paid, it could have been received a little later. They (Uy’s group) shelled out a certain amount but we’re not sure,” sabi ni Briguez.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Gatchalian si Briguez kung bakit hindi nila tinapatan ang alok ni Uy para bilhin ang Chevron gayong wala naman itong inilabas na kahit isang kusing.

“In other words $157 million (of Uy’s purchase cost) came from Malampaya itself… Ginisa tayo sa sarili nating mantika… might as well gobyerno na ang makinabang,” ani Gatchalian.

“What did buyer bring to the table? Not money? Not technical people? PNOC should have gone and purchased this because buyer did not shell out a single centavo,” sabi pa ng senador.

Paliwanag naman ni Briguez, plano talaga ng PNOC na bilhin ang stake ng Chevron sa Malampaya subalit gusto lang mga government bank na i-bankroll ang kalahati ng purchase price nito.

Paniwala ni Gatchalian, kung gobyerno ang bibili sa stake ng Chevron at Shell, tiyak umanong makakabawi kaagad sa ginastos sa loob ng tatlong taon at kikita na sa ikaapat na taon ng operasyon ng Malampaya gas field.

“Saan ka nakakita ng negosyo, in three years bawi na. 2023 bawi na agad. Maganda nga ito dahil `yong cash flow nya kaya nang bayaran ang utang. Recommendation ko talaga bilhin ng gobyerno thru PNOC. Trabaho talaga ng PNOC mag-explore ng oil and gas kaya sila andyan,” ani Gatchalian. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.