Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DENR purdoy sa COVID, inuna paganda – Robredo

0 92

Tinawag ni Vice President Leni Robredo na walang pakiramdam o manhid ang tanggapan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu dahil sa pagbuhos ng milyong pondo para sa `white sand’ sa Manila Bay habang marami naman umano ang nagugutom sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Para sa akin napaka-insensitive na gagawin mo iyan sa height ng pandemic. Ang daming nagugutom, ang daming naghihirap, tapos uunahing gagawin ang pagpapaganda,” sabi ni Robredo sa kanyang programa sa radyo.

Ayon kay Robredo, alam niyang noong isang taon pa ang proyekto bago ang pandemya at naintindihan niya na dapat naman pagandahin ang Manila Bay. Pero hindi umano ito dapat ginagawa sa ganitong panahon, lalo na at lagi umanong sinasabi na wala nang pera ang gobyerno.

“Parang para sa akin maling mensahe nagsasabi kayo na walang pera tapos nakikita `yong ganito,” pahayag ni Robredo.

Inulan ng mga batikos ang paglalagay ng artipisyal na white sand sa Manila Bay na base kay DENR Undersecretary Benny Antiporda ay nasa P349 milyon ang halaga ng proyekto.

Bahagi umano ito ng Manila Bay rehabilitation program ng DENR na sinimulan noong isang taon bilang pagtalima sa kautusan ng Supreme Court na linisin ng gobyerno ang coastal area sa Metro Manila.

Samantala, binatikos din ni Robredo ang paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque na makatutulong sa mental health ng mga tao ang makita ang white sand sa Manila Bay.

“Kung gusto nating makatulong sa mental health ng mga tao ay ayusin natin trabaho natin iyan ang pagtulong at hindi pag-beautify ng Manila Bay,” sabi ni Robredo.

“Para sa akin hindi masama ang mag-beautify sa Manila Bay pero sa panahon ngayon na ang dami na kailangan pera tapos si President ang lagi sabi wala na tayo pera. Nakakainsulto kapag nakikita ng tao ito,” dagdag pa nito.

Ayon kay Robredo ang P349 milyon na ginamit sa pagkuha ng `white sand’ ay maaari sanang magamit sa mas mahahalagang programa lalo na at nagkukulang ng pondo para sa COVID-19 response. (Kiko Cueto/Tina Mendoza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.