Abante Tonite Interactive

Departamento para sa kalamidad?

179

Balik sesyon ngayon ang Senado matapos ang halos isang buwang Christmas break.

Tatalakayin ng mga senador ang panukalang bumuo ng Department of Disaster Resilience (DDR) dahil napapanahon sa harap ng pagputok ng Bulkang Taal.

May iba’t ibang bersiyon ang panukala na inakda nina Senador Francis Tolentino, Grace Poe, Christopher ‘Bong’ Go at Sonny Angara.

Sa mga probisyon ng panukala, ang DDR ang magiging panguna­hing ahensiya para tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, kabilang ang implementasyon ng preemptive at forced evacuation.

Ang panukalang DDR ang bubuo ng mga prog­rama na may kinalaman sa disaster risk reduction, disaster preparedness and response at recovery program.

Ang tanong ng ilan, tuwing may mga kalamidad at problema ang bansa bakit may katapat na mga departamento na ipinapanukalang itayo?

Nang mai-report ang sinapit ng ilan sa mga overseas Filipino worker na sina Joanna Demafelis at Jeanylyn Villavende, ipinanukala ang pagbuo ng ng Department of OFW.

Related Posts

Nang magkaroon ng krisis sa tubig sa Metro Manila noong huling bahagi ng 2019, ang paglikha ng Department of Water naman ang lumutang.

Sa kasalukuyang sistema, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang ahensiya na nakatutok sa disaster response.

May koordinasyon ang NDRRMC sa mga concerned government agency tulad ng Department of Health (DOH), Department of Public Works and Highways (DPWH) maging sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Pero kung malawak ang pinsala ng kalamidad, mismong ang Malacañang ang kumikilos at on top of the situation.

Sa pagputok ng Bulkang Taal mas mapabibilis ba ang aksiyon at pagtulong sa mga sinalanta kung makabubuo ng DDR?

Puna ng ilang sektor, sa halip na bumuo ng panibagong departamento, bakit hindi na lang palakasin ang mga frontline government agency kabilang ang pag-upgrade sa mga pasilidad ng Phivolcs at Pagasa?
Kung tutuusin, ang pagpili ng mga karapat-dapat na mamuno sa mga frontline agency ang dapat ikunsidera lalo na’t likas sa mga Pinoy ang pagtulong sa ating kapwa sa panahon ng mga kalamidad.

Bukod dito, nagbabawas ng taba sa burukras­ya at ang pagbuo ng panibagong departamento ay magreresulta ng pagkuha muli ng mga dagdag na empleyado at paglalaan ng malaking pondo para lumikha ng isa na namang ahensiya ng gobyerno.