Abante Tonite Interactive

Department of OFW, sure win kaya sa mga Pinoy abroad?

343

FOR THE RECORD

Mayroon ng linaw ang planong pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers matapos atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Labor and Employment (DOLE) at si Senator Bong Go na bilisan ang pagsusulong nito sa Kongreso.

Nais ng Pangulo na pagdating ng Dis-yembre ay mayroon ng ahensiyang tututok at mangangasiwa sa mga isyu at concerns ng overseas Filipino workers.
Naihain na rin ni Senator Go ang Senate Bill No. 202 para sa pagtatatag ng Department of OFW.
Sa ilalim ng batas, lahat ng mga ahensiyang nangangasiwa ngayon sa kapakanan ng mga manggagawang Pinoy abroad ay pag-iisahin kaya aasahan ang streamlining ng mga tanggapan.
Kabilang sa sasailalim sa s­treamlining ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Commission on Filipinos Overseas, International Labor Affairs Bureau at ang DFA-Office of the Migrant Workers Affairs.
Inaasahang ilalabas ang framework ng bagong departamento sa susunod na buwan kaya pinaaapura na ni Pangulong Duterte ang pagbalangkas nito.
Hindi maikakailang nalilito kung minsan ang may problemang OFW kung saang ahensiya lalapit at hihingi ng tulong dahil magkakahiwalay ang mga tanggapan.
Sa ilalim ng Department of OFW, sa iisang gusali na ilalagay ang lahat ng mga opisina para maging one-stop shop pagdating sa pagproseso ng mga papeles hanggang sa pagtugon sa mga reklamo at tulong ng mga manggagawang Pinoy.
Isa sa mga natuwa sa plano ng Pangulo ay ang Ople Policy Center and Training Institute dahil hindi na malilito ang mga OFW kung saang ahensiya sila lalapit.
Marami na ring may problemang OFW ang lumalapit sa mga p­rograma sa radyo at telebisyon para humingi ng tulong dahil sa mabagal na aksiyon ng mga ahensiya ng gobyerno at saka lamang uusad ang problema at nalulutas kapag kinakalampag na at nai-broadcast na ang mga ito.
Batay sa record, tinatayang nasa 2.3 milyong OFW ang nagtatrabaho ngayon sa iba’t ibang bansa, simula April hanggang September 2018, bukod pa ito sa mga naunang mga taon.
Tutuldukan din sa pagtatatag ng Department of OFW ang pagsasamantala ng mga recruitment agency na naniningil ng malaking placement fee sa mga nais magtrabaho sa abroad.
Sa ilalim ng Department of OFW, ang gobyerno na ang mangangasiwa sa recruitment at hindi maniningil ng malaking halaga dahil isa sa nais ni Pangulong Duterte ay matigil na ang panggagatas sa mga OFW.