Abante Tonite Interactive

Department of Water napapanahon

156

Karlo Nograles

Muling pinatunayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mapagtugong panga­ngasiwa nang kanyang aprubahan ang binalangkas na ‘master plan’ na mag-uugnay sa mga hakbang ng pamahalaan tungkol sa pagpapatatag sa sup­lay ng tubig at pagpapasaisang-bubong ng lahat ng ahen­syang may kinalaman sa likas yamang ito sa ilalim ng Punong Ehekutibo upang matiyak ang pangmatagalang solusyon sa taunang sakit sa ulo tuwing tag-init.

Ang kabuuang plano ay nakapaloob sa ilalabas na executive order ng Palasyo sa mga susunod na araw at kabibilangan ng mga hakbang sa roadmap na inilatag ng National Economic Development Authority at iba pang mga kaukulang Departamento.

Ito ay isa sa mga pangunahing aksyong kinalabasan ng pinakahuling pagpupulong ng gabinete na isinagawa noong unang araw ng Abril, na kinabibilangan din ng pagtatatag ng Inter Agency Task Force on Zero Hunger.
Napagtanto ng Pa­ngulo na kailangang ilabas ang nasabing master plan at roadmap dahil hindi na makakapaghintay ang ating mga kababayan sa pagsasabatas ng panukalang Department of Water (DoW) na lumutang sa media sa kasagsagan ng krisis sa tubig sa Metro Manila kamakailan lamang.

Related Posts

Kabilang din sa mga probisyon ng nasabing executive order ang pagrerepaso sa mandato ng National Water Resources Board bilang pangunahing ahen­syang tututok sa mga panuntunan at mag-uugnay sa lahat ng opisyal na hakbang ng gobyerno tungkol sa tubig.

Ito ang pinakamabilis na paraan upang tayo sa kasalukuyang pa­ngasiwaan ay agarang makatugon sa lahat ng usapin sa suplay at pagkukunan ng tubig sa ating bansa. Bagamat itutulak nating maisabatas ang DoW sa lalong madaling panahon, ilalatag na natin ang mga kaparaanang panlapat-lunas sa kagyat na pangangailangan sa tubig ng mga kabahayan at ng ating mga sakahan.

Huwag nating kalimutan ang halaga ng tubig sa produksyon ng pagkain at serbisyong pangkalusugan. Dito din nakasalalay ang komprehensibong pagtugon ng ating gobyerno upang pigilan ang paglaganap ng kagutuman sa ating bansa.
Kaakibat ng hakbang na ito ay ang malalimang pagsusuri sa mga kontratang pinasok ng mga nakaraang pangangasiwa sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa Manila Water Co. Inc. at sa Maynilad Water Services Inc.
kung saan susuyurin ang bawat probisyon at ipaghahambing ito sa uri ng kanilang serbisyo.

Dahil sa mga pa­ngangailangang inisa-isa natin, nakasalalay sa resulta
ng darating na halalan ang kahahantungan ng panukalang batas na magtatatag sa Department of Water na siyang titiyak sa mas pangmatagalang solusyon sa usaping ito. Siguruhin natin na ang mga tamang kandidato ang iluluklok natin sa puwesto.