Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DepEd: Mga estudyante gusto na balik-eskuwela

0 58

Mas maraming mga estudyante sa elementarya at high school ang gusto ng bumalik sa paaralan kaysa mag-online at modular class, ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa press briefing sa Malacañang Huwebes ng tanghali.

Sinabi ni Briones na katatapos lamang ng kanilang survey sa mahigit isang milyong mga estudyante at lumitaw na 50% sa mga ito ay gusto na ng face-to-face classes.

Mas pabor aniya ang mga estudyante na mga guro ang magturo sa kanila kaya imumungkahi nila ito kay Pangulong Rodrigo Duterte sa nakatakdang cabinet meeting sa susunod na linggo.

Subalit para masunod ang face-to-face class kung sakali, sinabi ng kalihim na apat na kondisyon ang kanilang ikinukunsidera para sa pag-apbruba ni Pangulong Duterte.

Una, ang pagpayag ng mga pamahalaang lokal na magpatupad ng face-to-face classes sa kanilang teritoryo. Pangalawa, kailangan may written consent ang mga magulang. Ikatlo, kailangan ang paaralan na magbubukas ng pilot test para sa face-to-face classes ay malapit sa health facility, may tubig at suplay ng gamot. Pang-apat, kailangang matiyak ng DepEd na malinis lahat ng serbisyo katulad ng transportasyon, pagkain sa canteen at iba pa para hindi mahawa ng virus.

Sinabi ng kalihim na lahat ng kondisyong ito ay nakadepende pa rin sa pag-apruba ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID)) at sa magiging desisyon ni Pangulong Duterte. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.