Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DepEd nilaglag titser sa `aswang’ module

0 112

Natukoy na umano ng Department of Education (DepEd) ang guro na gumawa ng kontrobersyal na ‘aswang’ module at nasampahan na ito ng kasong administratibo.

Sa pagdinig ng House committee on public accounts nitong Biyernes, sinabi ni DepEd Region 3 Director May Eclar na kasamang kinasuhan ang quality team na dapat ay nakakita sa malisyosong kahulugan ng aswang sa self-learning module na ipinamigay sa mga Grade 10 student sa Pampanga.

“Inamin naman po nila na sa dami ng kanilang mga ginawang SLMs (self-learning modules), learning activity sheets hindi na nila masyadong napansin ito,” sabi ni Eclar.

Tinanong ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo kung ano ang intensyon ng guro.

Sagot naman ni Eclar: “Wala pong binanggit na intensyon pero ang nailagay lamang po doon sa kanilang sulat ay typographical error na hindi po namin matanggap sa DepEd.”

Sumunod na tanong ni Salo: “Sa tingin po ninyo… typographical (error) bang matatawag `yong depinisyon po ng aswang po doon? Ano po `yong typographical po doon nagkamali ba ng spelling ng aswang?”

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sinabi ni Eclar na hindi pinaniwalaan ng Regional Office ang paliwanag na typographical lamang ito dahil “sa tingin po namin talagang malisyoso `yong word na ginamit.”

Natapos umano ang fact-finding investigation ngayong linggo at sinampahan ng kaso ang guro at ang kanyang mga kasama sa grupo na dapat ay sumuri sa kanyang ginawa upang maitama ito bago ipinamigay.

Sa naturang module ang aswang ay binigyan ng kahulugan na: “siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito’y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinaniniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng makakantot o maaaswang.”

Sa kasalukuyan ay pumapasok pa umano ang guro sa trabaho dahil wala pa namang desisyon sa kanyang kaso.

“Ang status po ng teacher pumapasok pa rin po siya kasi wala pa naman pong desisyon doon sa charge na nilabas. Magkakaroon po tayo ng due process para doon sa kaso na ito ng teacher at ng kanyang mga kasamahan,” dagdag pa ni Eclar. (Billy Begas/Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.