Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DepEd sana natauhan sa face-to-face ng mga guro

0 408

Kumilos ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa ulat na diumano’y face-to-face seminar ng mga school heads sa dalawang resort sa lalawigan ng Zambales na nauwi sa hawaan ng COVID-19.

Pinaiimbestigahan ng Central Office ang pangyayari kung bakit nagkaroon ng gathering ang mga school head ng DepEd Zambales.

Sana ay magkaroon naman ng kabuluhan ang imbestigasyon ng DepEd Central office lalo na’t mismong ang local government unit ng Zambales sa pamamagitan ni Dr. Noel Bueno, provincial health director sa ilang panayam sa local radio sa nasabing lalawigan ang nagkumpirmang hindi nagpaalam ang DepEd division office sa LGU at mismong IATF sa kanilang aktibidad.

Sa pinakahuling ulat ay nasa 20 school head at ilang guro na ang nagkahawa-hawa matapos ang pagtitipon at nakumpirmang COVID positive.

Ang nakakatakot pa rito ay mga guro lamang na dumalo sa gathering ang natutukan. Papaano ang mga kaanak ng mga ito na nakasalamuha nang umuwi si Titser?

Sana ay paigtingin ang contact tracing para maawat ang pagkalat ng virus.

Bukod sa pagpapaigting sa contact tracing dapat suportahan ng DepEd ang pangangailangan ng mga gurong ito hanggang sa umayos ang kanilang kalagayan.

Unang-una hindi naman nila sasapitin ang kung anuman ang sitwasyon nila kung nag-isip lang ng mabuti ang mga opisyal at isinaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang mga guro.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang labis kong ipinagtataka ay kung bakit kailangang mag-face-to-face seminar ng ganoon karami gayong nakasanayan na nila ang virtual meeting. Ayon sa ulat ay nasa halos 300 ang dumalo sa gathering sa dalawang resort sa Zambales.

Masuwerte ang DepEd at to the rescue agad ang LGU para tulungan ang mga gurong nakompromiso ang buhay dahil sa kanilang ginawa.

Pero dapat mag-imbestiga ang DepEd sa pangyayaring ito dahil maling-mali ang kanilang ginawa.

Magsilbing leksyon na rin sana ito sa DepEd na matagal nang nagpupumilit na magkaroon ng face-to-face class.

Isipin po ninyo sa mga guro nga ay pumalpak na ang ganitong proseso ng pagtitipon papaano pa ang mga bata?

Masyado pong nakakatakot. Kaya sana huwag tayong masyadong nagmamadali dahil baka mas matinding peligro ang kaharapin natin lalo na ngayong patuloy sa pagtaas ang kaso ng COVID sa ating bansa.

Sa mga guro naman, naturingan kayong mga guro kaya sana naman ay manguna kayo sa pagsunod sa health protocol upang sa gayon ay hindi kayo napapahamak o mamahamak pa ng iba.

Leave A Reply

Your email address will not be published.