Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DepEd walang patawad kahit holiday

0 144

Naghihimutok ang ilang pampublikong guro dahil sa walang tigil nilang trabaho kahit holiday.

Deklaradong pista opisyal ang August 30 bilang National Heroes Day at inakala ng mga pampublikong guro na makapagpahinga sila kahit isang araw pero hindi natupad ang kanilang inaasam dahil may trabaho pa rin sila bilang paghahanda sa darating na pasukan.

Ayon sa ilang public school teachers, nakiusap silang ilibre sila kahit man lang isang araw para makapagpahinga pero tinabla sila ng mga matataas na opisyal ng Department of Education (DepEd).

Mayroong inilargang Virtual In-Service Training (VINSET) ang DepEd na kailangang daluhan ng mga guro mula August 30-September 3,2021 gayong katatapos lamang ng kahalintulad na training noong buwan ng Marso.

Katwiran ng mga guro, hindi naman sila binabayaran kahit holiday kaya nais nilang magamit ang pista opisyal para makapagpahinga saglit.

Pero ang utos ay utos, kaya walang magawa kundi sumunod na lamang at idinaan na lamang sa himutok at buntong-hininga ng mga guro ang kanilang sama ng loob.

Wala aniyang bakasyon ang mga pampublikong guro at tuloy-tuloy ang kanilang pagtatrabaho kahit tapos na ang pasukan ng mga estudyante, at dahil malapit na namang magsimula ang panibagong school year ay abala naman sila sa brigada eskuwela.

Nagtatanong ang ilang pampublikong guro kung alam kaya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginagawa sa kanila ng kagawaran.

Hindi naman tinututulan ng mga guro ang pagdalo sa webinar at ang hinihiling lamang ng mga ito ay ibigay naman sa kanila ang karapatan na makapagpahinga dahil holiday naman.

Isipin na lamang na karamihan sa mga guro ay may mga pamilya, mayroong mga anak na kahit papaano ay nais silang maka-bonding kahit isang araw pero ipinagkait pa sa kanila ng kagawaran ang kanilang kahilingan.

Konting unawa lang naman sana sa mga opisyal ng DepEd dahil batid natin na hindi biro ang kanilang pinagdaanang hirap simula nagkaroon ng pandemya at sobra-sobra ang kanilang sakripisyo dahil sa panibagong paraan ng pagtuturo na kinakaya naman ng mga ito.

Bayani ring maituturing ang mga guro dahil sila ang nagsisilbing pangalawang ina ng mga anak na ginagabayan at hinuhubog hanggang sa sila ay makatapos sa pag-aaral.

Kung nagagawa nating parangalan at kilalanin ang ating mga bayani, bakit naman natin ipagkakait sa mga buhay na bayani ang kanilang karapatan kahit isang araw lang dahil ito naman ay lehitimong pista opisyal o National Heroes Day.

Leave A Reply

Your email address will not be published.