Abante Tonite Interactive

Deployment ban

2,287

Pag-araalan na ng ministrasyong Duterte kung pwede na bang bawiin o patuloy na ipatupad ang deployment ban sa mga overseas Filipino wor­kers (OFW) sa bansang Kuwait. Ang Kuwait ay isa sa mga panguna­hing bansa sa gitnang silangan na merkado ng mga OFWs. Kasunod na rin yan ng pagkakaaresto sa mag-asawang suspek sa pagpatay sa domestic helper na si Joanna Demafelis.

Sinabi ni labor undersecretary Dominador Say, magpupulong ang mga opisyales ng mga ahensiya at maglalatag ng rekumendasyon kung babawiin o pana­natiliin ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga Filipinong manggagawa sa Kuwait.

Una rito, naaresto at kasalukuyang nakakulong sa Damascus Syria si Mona Hassoun, ang dating babaeng amo ni Demafelis. Unang inaresto ang asawa ni Hassoun na si Nader Essam Assaf na isang Lebanese.

Tumakas ang dalawa sa Kuwait matapos hinihinalang patayin at isilid sa freezer ang kawawang si Demafelis. Inihahanda na ng Philippine Embassy sa Kuwait ang mga kasong isasampa laban sa dalawa habang inaantay ang pagpapatapon nito pabalik ng Kuwait para harapin ang kaso laban sa kanila.

Inihayag naman ni labor secretary Silvestre Bello na ang pagkakaaresto sa mga suspek ay isang positive gesture sa panig ng gobyerno ng Kuwait. Ganumpan hindi ito garantiya na tatanggalin ng Pangulong Duterte ang ban.

Ayon kay Bello, ang mahalagang malagdaan ng gobyerno ng Kuwait ang memorandum of agreement na titiyak ng kaligtasan ng mga Pilipinong manggagawa. Matagal ng inaabuso ang mga OFWs sa Kuwait, lalo na ang mga household wor­kers. Kundiman pinasusuweldo ng tama, ay sinasaktan at ipinapasa sa ibang employer ang mga Pinoy duon na lubhang labag sa kontratang kanilang pinirmahan.

Umaani ng papuri at batikos ang pagbabawal ng pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait. Maraming mga skilled workers ang naapektuhan ng ban. Ang iba ay umuwi para magbakasyon pero inabutan ng ban kaya hindi na makabalik. Wala naman daw alternatibong kabuhayang pwedeng ibigay ang gobyerno sa mga apektado.

Ang gobyerno ay pinupulaan sa hindi pagaksiyon sa pang-aabuso sa mga OFWs. Ngayong umaksiyon ang gobyerno, pinupulaan din dahil wala naman daw trabaho dito sa Pilipinas.

Sa ganang akin, ito ang unang pagkakataon na umaksiyon ang gobyerno sa problemang ito. Isang matikas na tugon na kailanman ay hindi nagawa ng mga nakalipas na administrasyon. Marapat na suportahan ang hakbang ng Pangulong Duterte sa ban at ibigay ang hinihingi nitong panahon para tumugon ang gobyerno ng Kuwait sa pagbabawal. Kung tunay na mahalaga ang mga manggagawang Pilipino sa ekonomiya ng Kuwait, papayag silang lagdaan ang kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksiyon sa ating mga mamamayan. Kung hindi sila lalagda, maraming merkado sa mundo na nangangailangan ng husay at sipag ng pinoy.