Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Depormidad sa buto

0 133

Kung may masisira sa ating bahay, marami tayong makukunan ng mga pangremedyo. Ganoon din sa ating mga sasakyan, maraming pagkukunan ng mga spare parts. Sa ating katawan, kung may mangyayari at mangailangan ay mayroon din tayong pwedeng pagkunan ng ating sariling spare parts. Halimbawa, sa mga pagkakataong mayroong aksidente na hindi lamang mabalian kundi madurog ang buto, o sa mga mayroong depormidad sa pagkabata, o di kaya operasyon dahil sa mga tumor o bukol. Kapag aayusin ang mga lugar na ito ay mangangailangan ng buto. Ito ay pangkapit, pangtibay, at pangstabilisa ng lugar na nangangailangan. Bone grafting ang tawag dito.

Kung kaunti lang ang kakailanganin, para makasiguro ng magandang pagtubo ng buto, pwedeng kunin sa balakang o iliac bone, at pwede din sa siko. Kinakayod ito at ang pinagkayuran ang inilalagay sa parteng nangangailangan. Kung medyo malakilaki ang nakuhang bitak, maaari din durugin. Morselization ang tawag dito. Pandagdag para makasiguro at maayos ang paggaling. Madalas gamitin ito sa mag traumatic injuries, pati na sa mga pagkakataon na hindi maganda ang paghilom ng buto tulad ng mga malunion at non-union fractures.

May mga pagkakataon na masisira ang buto at mas malaki ang kakailanganin na sukat pampalit. Pwedeng makuha muli sa balakang para maging panga o di kaya pang fusion sa leeg. Kung maapektuhan ng impeksyon, ang kahabaan ng spinal column, pwedeng gamitin ang tadyang. Sa nasirang ilong at mukha, nagagamit din ito. Kung sakali naman mga mahahabang buto ang kakailanganin, ginagamit ang fibular bone o mas maliit na buto ng binti. Pwedeng ipangdugtong ng braso, hita at kabilang binti. Ilan lamang ito sa mga halimbawa na maaaring gawin sa pamamagitan ng bone grafting.

Lahat ng ito kung nakuha sa katawan ng pasvente, ang tawag ay autograft o autologous o autogenous bone graft. Kung sa ibang tao kukunin, allograft naman, at mayroon din na mga synthetic grafts o substitutes. Ang maganda sa mga ito ay hindi tinatanggihan ng katawan o rejection dahil wala naman itong buhay na materyal o genetic code. Para lamang gapangan ng tumutubong bagong buto na parang grouting material. Maganda ang survival at success rate ng mga ito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ano pa man ang maging kundisyon ay kinakailangan pa din ng Calcium at vitaminD3. Maliban dito, maganda din sa buto ang mga gulay gaya ng avocado, okra, patatas, spinach, at kamote. Sa prutas naman, saging, bayabas, langka, pakwan, at kamatis. Maganda din ang almonds at buto ng kalabasa.

Napakaganda ng komposisyon ng katawan natin. Kung mangangailangan ng pangayos ay mayroon tayong pagkukunan.

Hanggang sa susunod ! Keep healthy! Stay safe! Get Vaccinated!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.