Abante Tonite Interactive

Deportasyon ng mga illegal Chinese worker uubra kaya?

320

Matapos mabunyag ang ‘pastillas scheme’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinasangkutan ng ilang tiwaling opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration (BI), ang pagpapa-deport sa mga Chinese na iligal na nakapasok sa bansa ang target ngayon ng gobyerno.

Naniniwala kasi ang Malacañang na ­marami sa mga Chinese na ­nakapasok sa bansa ang nakinabang sa ­‘pastillas scheme’ at iligal na nagtatrabaho ngayon sa mga kompanyang pinapatakbo ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), partikular sa online casino.

Kaya dumagsa ang mga Chinese POGO worker sa bansa ay sa dahilang karamihan sa customer ng online ­casino ay mga Chinese rin at hindi lahat ng mga Pilipino ay marunong magsalita ng Mandarin.

Pero dahil ­naungkat ang raket ng ilang ­tiwaling opisyal ng BI sa NAIA, nais ng Palasyo na patalsikin pabalik sa kanilang bansa ang mga dayuhang iligal na nakapasok sa Pilipinas.

Hindi lang kasi ang estado ng pagiging illegal worker ng mga Chinese ang sakit ng ulo ngayon ng gobyerno kundi dumami rin ang krimeng iniuugnay ngayon sa mga Chinese sa bansa gaya ng kidnapping for ransom at ang sunod-sunod na pagkakatuklas ng mga prostitution den sa Southern Metro Manila na umano’y pinapatakbo o kontrolado ng ilang Chinese.

Hindi inaalis ang posibilidad na may mga tao o grupong nasa likod ng walang kahirap-hirap na pagpasok ng mga Chinese sa bansa at dahil sa kaway ng salapi ay nagpatukso naman at kinagat ng ilang tiwaling opisyal at tauhan ng BI.

Dapat matutukan at matukoy ito ng mga awtoridad para matigil na ang ganitong modus operandi laban sa mga dayuhan.

Katunayan hindi na bago ang ganitong estilo, dahil sa mga nakalipas na administrasyon, mayroon na rin ng tinatawag na ‘sunduan’ sa mga pangunahing paliparan at mga Chinese rin ang sinusundo ng ilang miyembro ng sindikato na may contact na sa BI.

Ang kaibahan lamang, walang iniaabot na ‘pastillas’ kundi timbrehan lang at presto, pasok na sa ‘Pinas ang dayuhan.

Bago pa man pumutok ang mga POGO worker, naging kapansin-pansin na ang pagrami ng mga tinderang Chinese sa Divisoria, pati na rin mga kargador na ang lalaki ng kaha ng katawan na posibleng iligal ring ­nakapasok sa bansa.

Hindi sila ­marunong mag-Filipino o ­mag-Ingles subalit nagtitinda sa ­Divisoria sa pamamagitan ng paggamit ng calculator kung saan nakasaad ang presyo ng kanilang paninda.

Wala ring katiyakan kung mga Chinese lang ba ang iligal na nakapasok sa bansa o may iba pang mga dayuhan dahil kung matatandaan, sa mga nakalipas na pagsalakay ng mga awtoridad sa hinihinalang mga ­prostitution den ay mayroong mga ibang lahi tulad ng ­Vietnamese at Russian.

Abangan po natin kung mayroong mangyayaring maramihang deportasyon sa mga ­dayuhan sa susunod na mga araw o wala, at siguro ­magmasid-masid na rin sa mga city hall dahil baka ­biglang ­dumami ang mga magpapakasal na mga dayuhan sa mga Pinoy para hindi ­mapaalis sa Pilipinas. ­Siyempre pa, may bayad din ‘yun sa pakakasalang mga Pinoy at Pinay. ­Malay natin, meron din palang ‘marriage for a fee’ scheme.