Abante Tonite Interactive

Depositors nawalan ng pera sa bangko ni Henry Sy

By
7,922

Ilang depositor ng Banco de Oro (BDO) Unibank ang nawalan ng pera sa kanilang bank account kahit na hindi sila nag-withdraw o bumili gamit ang ATM.

Noong Enero 6, nagreklamo ang 35-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na si Michiko Marzo na nawalan siya ng P 19,813.42 sa anim na transaksyon noong Disyembre 27, 2017.

Ang ipinagtataka ni Marzo ay ginawa ang transaksyon sa Estados Unidos gayung nasa Indonesia siya at nagtatrabaho bilang isang guro.

Inireklamo na umano niya sa BDO ang nawala niyang pera kung saan nangako silang ibabalik ang pera kung ‘unauthorized’ ang transaksyon.

Ibinahagi ni Marzo ang masaklap niyang karanasan sa nasabing bangko sa Facebook at la­king gulat niya na maraming netizens ang nagsabing nawalan din sila ng pera sa nasabing bangko.

“After I posted about the BDO issue, a lot of people messaged and told me that they have the same case as me. I was shocked to find out na sobrang dami namin nun magsearch ako about ‘BDO lost money’. Mas lalo ako nasurprised nun maisama ako sa isang group chat na ang laman ay puro BDO victims. Most of us OFW, meron iba na sa pinas ang location nila,” paglalahad ni Marzo.

“Halos maiyak na ako nun malaman ko na halos 20k ang nawala sa akin pero may mas malala pa pala sa akin, some lost 150k, 102k, 50k, 45k hindi biro na pera,” diin pa ng OFW.

Sa statement na ipinalabas naman ng BDO nitong Martes ng gabi sa Facebook, nagsagawa na umano sila ng imbestigasyon kasunod ng pinaghihinalaang withdrawal at purchases sa kanilang bangko ngayong buwan.

“We are currently running a thorough investigation process that involves tracing individual transactions, checking any irregularities and identifying signals of fraud from millions of va­lid transactions everyday,” ayon sa BDO.

“This challenging task is done to ensure that all cases are addressed accordingly, and that a resolution is served for all valid cases,” dagdag pa nila.

Nabatid na nagsagawa na rin ng imbestigasyon sa nasabing isyu ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang BDO Unibank ang pinakamalaking bangko sa Pilipinas at bahagi ng SM Group of Companies na minamay-ari ni Henry Sy.