Abante Tonite Interactive

Desisyon ni Sean Dave,simpatya rin sa ama

0 352

Siguradong hati ang opinyon ng mga fan sa basketball hinggil sa pagbabalik-Ateneo de Manila University-Quezon City ni Sean Dave Ildefonso para sa 84th University Athletic Association of the Phi­lippines (UAAP) men’s hoop.

Naglaro na sa men’s squad ang batang Ildefonso sa papatapos nang 82nd UAAP para sa National University Bulldogs, kaya magsi-sit out sa ika-83 edisyon ng liga bago maglaro sa 84th sa taong 2021.

Sa pangangamote ni Michael Ray ‘Jamike’ Jarin na narendahan lang ang Bustillos-based squad sa 2-12 win-loss record para pumangwalo’t kulelat, sinibak na siyang coach at pinalitan ni Goldwin Monteverde.

‘Di kinuha ni Monteverde ang isa sa mga ­assistant coach ni Jarin na si Philippine Basketball Association at NU legend Danilo Ildefonso.

Daan para layasan ng batang Ildefonso ang basketbolistang taga-Sampaloc bilang pakikisimpatya sa kanyang ama.

Dagdag pa na naglalaway rin si Sean Dave na makapag-national team din dahil ang Ateneo Blue Eagles coach na si Thomas Anthony ‘Tab’ Baldwin ang project director ng Gilas Pilipas ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP).
***
Nakikiramay ang inyong lingkod at ang mga ka-batch ko sa Fernando Maria Guerrero ­Elementary School 1982 sa Paco, Maynila na sina Mary Ann Mariveles, Neil Santilla, Ma. Theresa Garcia-Afable, Kapt. Dani Niel Sabater, Jocelyn Celecio, Rodeon Orario, Brando Barrientos, Millet Dejucos, Manila Gemao Lustre, Wilbur Tabangay, Mon Faronilo III at iba pa kay batchmate Enrique ‘Toto’ Varela.

Kaugnay ito sa pagyao ng kanyang ate na si Lourdes Valera-Pamplona sa edad na 52-anyos nitong Disyembre 26, 2019 dahil sa leukemia, at inihatid sa huli niyang hantungan sa Manila South Cemetery sa Makati City nitong Enero 4, 2020.