Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Desperado na kaya kumakagat sa Lianhua Qingwen, Ivermectin

0 352

Kahit anong pagbabawal ang gawin ng mga kinauukulan ay marami pa rin ang bumibili at umiinom ng Lianhua Qingwen at Ivermectin para maagapan ang sintomas ng COVID-19.

Gayong paulit-ulit na sinasabi ng Food and Drugs Administration (FDA) na hindi gamot sa COVID ang mga ito lalo na ang Ivermectin na kilalang para lamang sa hayop.

Pero sa kabila nito ay patuloy pa rin itong tinatangkilik ng publiko ang nasabing mga gamot at ang matindi ay mga kilalang politiko pa ang pasimuno.

Hindi kaya nahihiya ang FDA sa mga pangyayaring ito? Lantaran nang binabalewala ang kanilang mga paalala laban sa dalawang nasabing gamot.

Sabagay kahit sino namang may nararamdamang sintomas ng COVID ay talagang kakagat na sa mga gamot na ito sa pagbabakasakaling madagdagan pa ang buhay kesa maghintay sa bakunang wala pang katiyakan kung kailan darating.

Kaya sana naman kumilos ang FDA para magkaroon naman ng kahit konting pag-asa ang publiko na malabanan ang virus at hindi lang iasa sa face mask, face shield, social distancing, hugas kamay ang kaligtasan kontra COVID na talagang ramdam natin ang bagsik dahil sa dami ng araw-araw na nadagdag na kaso at mga namamatay.

***

Sa isang banda manaig kaya ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa kanilang paalala na bawal ang epal sa pamimigay ng ayuda?

Paulit-ulit din ang DILG sa pagsasabing bawal lagyan ng pangalan, mukha kung anu-anong may kaugnayan sa isang politiko ang mga ayudang ibibigay sa mga apektado ng ECQ sa National Capital Region, Laguna, Riza, Bulacan at Cavite.

May babala pa ang DILG na hindi lang kakasuhan kundi ipapakulong din daw ang mga magsasamantala sa ayudang ipinamahala sa mga local government unit.

Ang sarap pakinggan ng mga babalang ito ng DILG pero ang tanong may makinig kaya sa kanila?

Mag-eeleksiyon na kaya tiyak akong kating-kati na ang mga politikong ibandera ang kanilang mga mukha sa mga ipamimigay na ayuda para palabasing naging bahagi sila kaya nabiyayaan ang isa nilang constituents. Maliban kung cash ang ibibigay pero baka ilagay pa rin ‘yan sa sobre na may mukha ni Mayor.

Kaya sana naman DILG, maging totoo tayo sa mga babala natin para tumatayo naman balahibo nina Mayor at mga alipores nila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.