Abante Tonite Interactive

DFA duda sa pagkamatay ng 2 Pinay sa Middle East

1,275

Hindi kontento ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa natanggap na report hinggil sa pagpapakamatay umano ng dalawang overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East.

Sa isang statement, binanggit ng DFA na inalerto nila ang embahada sa Riyadh, Saudi Arabia, Beirut, at Lebanon, na patuloy na makipag-ugnayan sa mga im­bestigador, “To see to it that there was no foul play in the deaths of the two Filipina domestic workers.”

Tinukoy dito ang OFW sa Saudi Arabia na natagpuang walang buhay sa bahay ng kanyang amo sa Al Hasa noong Hunyo 12, samantalang ang labi ng Pinay sa Lebanon ay natagpuan naman noong Hunyo 11.

Walang binanggit na detalye ang DFA tungkol sa dalawang OFW na nagtatrabaho bilang household service worke­r (HSW), maliban sa pagsasabing nagmula sila sa lalawigan ng Cagayan, at Agusan del Sur.

Pero sa mga naunang lumabas na balita, isang nagngangalang Alma Cristobal ang nahulog umano sa ika-6 na palapag ng Imueble Hayek building sa Sassine­ Square, Beirut noong Hunyo 11.

Ilang OFW umano ang nakakita na nasa likod lamang ang amo ni Cristobal, habang nagsasampay ito, bago nahulog sa mataas na gusali.

Nangako na si DFA Secretary Alan Peter Cayetano na tutulong sa pag-uwi sa mga labi ng nasabing OFW.