Abante Tonite Interactive

DFA nganga sa pinatay na OFW

446

Blangko pa ang Department of Fo­reign Affairs (DFA) kung ano talaga ang sinapit ng isang overseas Filipino worker (OFW) na pinaslang at binaboy pa ang pagka­babae sa Kuwait.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan pa umano ang DFA sa mga alagad ng batas sa Kuwait para makuha ang investigation report hinggil sa karumal-du­mal na pamamaslang sa OFW sa natu­rang bansa.

Batay sa mga ulat, dineklarang dead on arrival ang biktimang si Cons­tancia Lago Dayag, 47-anyos, at taga-Agadanan, Isabela, makaraang isugod sa Al-Sabah Hospital sa Kuwait noong Mayo 14.

Nakitaan ang kanyang bangkay ng mga senyales ng sexual assault at may natagpuan pang pipino sa ari nito na tanda ng dinanas na pang-aabuso sa kanyang pagkababae.

Ayon kay Charge d’affaires Mohd. Noordin Pendosina Lomondot ng Phi­lippine Embassy, humiling na sila sa General Forensics and Evidence Department ng Kuwait para mapabilis ang paglalabas ng forensic report hinggil sa pagkamatay ni Dayag.

Karaniwan aniyang inaabot ang proseso nito sa loob ng apat hanggang anim na buwan.

Napag-alaman na unang nagtrabaho si Dayag sa Kuwait bilang household service worker noong Enero 2016. Na­kabalik ito sa Kuwait noong 2018 para sa pangalawang kontrata niya sa kaparehong employer na Kuwaiti.

Natanggap ng Philippine Embassy sa Kuwait ang report tungkol sa sinapit ni Dayag noong Mayo 16 at nagtalaga na ito ng abogado para siyang humawak sa kaso ng pinaslang na OFW. (PNA)