Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DFA paubos na P1B budget sa mga OFW

0 357

Nangangamba ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa posibilidad na masimot at tumagal na lang hanggang sa susunod na buwan ang inilaang P1 bilyong pondo para sa pagpapauwi ng mga overseas Filipino worker (OFW) mula sa mga bansang apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang Twitter post nitong Miyerkoles, sinabi ni DFA Undersecretary Brigido Dulay na may kutob silang masasaid ang P1 bilyong repatriation fund sa susunod na buwan o hanggang Setyembre dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga umuuwing OFW.

Gayunman, may nakahanda naman aniya agad si DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. na remedyo sa nakaambang problema at ito’y ang budget realignment ng kagawaran.

Hindi naman binanggit kung magkano na lang ang halagang natitira mula sa P1 bilyong repatriation fund.

Sa ilalim ng programa, gumagastos ang DFA ng P13 milyon hanggang P14 milyon para sa bawat biyahe ng 350 OFW pauwi sa Pilipinas.

Maaari aniyang makatipid ang gobyerno at mas marami pang OFW ang makikinabang sa programa kung papayagan silang magpauwi ng 2,000 OFW kada araw sa loob ng isang linggo. Subalit kailangan nilang sumunod sa mga patakaran dahil sa ipnatutupad na limitasyon sa bilang ng mga umuuwing OFW.(Mia B. Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.