Abante Tonite Interactive

DFA sinita ng COA sa nawawalang P11M ayuda sa mga OFW

2,537

Nasilip ng Commission on Audit (COA) ang kabiguan ng mga embahada at konsulada ng Pilipinas na i-remit ang cash assistance na nakalaan para sa mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang pamilya gayundin ang mga biktima ng bagyo.

Sa kanilang 2017 audit report sa Department of Foreign Affairs (DFA), binanggit ng COA na kabuuang P9.776 mil­yon ang natanggap ng foreign service posts sa buong mundo na kumakatawang end-of-service benefits para sa mga nasawing OFW mula sa kanilang mga employer.

Nakapaloob sa kabuuang halaga ang benepisyo para sa taong 2015 at sa nagdaan pang taon na nagkakahalaga P5.988 milyon na nanatili pa ring hindi na iremit ng mga embassies sa Abu Dhabi, Abuja, Amman, Bangkok, Cairo, Doha, Islamabad, Manama, Riyadh at consulate general sa New York.

“The amounts were receipted­ by the concerned collecting officers for remittance­ to the HO (Home Office) through the OUMWA (Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs) which is responsible for the payment to the legal heirs of the deceased OFWs,” ayon sa COA.

Bukod dito, nalaman din na ang mga donasyon na natanggap ng foreign service posts para sa mga typhoon victim at financial support para sa mga OFW na nagkakahalaga ng P947,049 ay hindi nai-remit sa Manila.

Ang mga donasyon para sa biktima ng Super Typhoon Yolanda noong 2013 at Tropical Storm Ondoy noong 2009 ay nananatili pa rin nasa consulate general sa San Francisco at embassies sa Berlin, Brussels, London, New Delhi, Beijing, Port Moresby at Tok­yo.

Maging ang financial support para sa ilang mga OFW ay nasa consulate general ng Jeddah at embassies sa Buenos Aires at Santiago.