Abante Tonite Interactive

DH gagawing titser ng China — Duterte

By
570

May pagkakataon ang mga overseas Fili­pino worker (OFW) sa Hong Kong na magtrabaho bilang English teacher sa China matapos buksan ang pintuan para sa mga Filipino English teacher.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabibigyan ng prayoridad ang mga OFW na nagtapos ng edukasyon, na makapagtrabaho sa China dahil 100,000 ang kailangan dito.

Batid ng Pangulo na marami sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa Hong Kong, bilang domestic helpers (DH) ay tapos ng kolehiyo at ang iba sa mga ito ay mga guro.

“Those of you who are here in Hong Kong who are qualified to teach, you might also be given priorities. Nandito na kayo eh. ‘Yung mga English teachers. Marami kayo,” anang Pangulo.

Mula sa biyahe sa China ay dumiretso ang Pangulo sa Hong Kong noong Miyerkoles at Huwebes at ibinalita sa mga Filipino doon ang mga nangyayari ngayon sa Pilipinas, pati na ang naging bunga ng kanyang China trip.

Isa sa mga nalagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China sa biyahe ng Pa­ngulo ay ang pagbukas ng oportunidad para sa mga Filipino English teachers.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mataas ang alok na sahod ng China para sa mga Filipino English teachers na $1,200 o mahigit P60,000.