Abante Tonite Interactive

DH hindi maayos ang sahod, employer walang paki sa pinirmahang kontrata

24

Sa kinauukulan,

Magandang araw po. Ako po si PRISTY M. MANTONG, 27 yrs. old, 1 yr. & 6 months na po akong domestic helper dito sa Amman, Jordan. Humihingi po sana ako ng tulong sa inyo.

Sana matulungan niyo ako. Hindi ko po kasi atatanggap nang maayos sahod ko. Kung nagpapadala ang amo ko ‘di din po buo at ilan beses na niya akong sinasabing kakaltasan daw ang sahod ko sa kung anu-anong dahilan.

Sa airport ko na raw makukuha ang kabuuan at tingnan na lang daw namin kung may matanggap pa ako. Noong July po nangailangan ang pamilya ko ng pera kaya pinakiusapan ko po siya na sana magpadala nang malaki pero ‘di po ako pinayagan kaya sinabi ko po na ibalik niya na lang po ako sa agency.

Nagalit po siya at sinabing kung magpapahatid daw po ako sa agency ipapakulong daw muna niya ako sa police dahil may utang daw ako sa kanya na $5,000 kaya manahimik na lang daw ako kung ayaw kong makulong.

Kung aalis daw ako rito sisiguraduhin niya raw po na hindi ako makakauwi ng Philippines.

Wala rin akong rest day, passport at lahat ng pape­les pati kontrata ko po kinuha niya. Wala rin daw ­siyang pakialam sa nakasulat sa kontrata. Kinuha niya rin ang cellphone ko at pinagbabawalan ako makipag-usap sa kahit sino. Pati po ang pinabili ko na laptop at tablet kinuha niya rin po.

Nu’ng nakiusap akong ihatid niya na lang ako sa agency kinuha niya ang mga resibo ng mga perang pinadala para evidence niya daw po na pinapasahuran niya ako pero kahit itotal niyo po ‘yun kulang pa rin po.

Sa kontrata ko $400/month po dapat na sahod ko pero $300/month lang daw isasahod niya sa akin pero ang pinapadala niya sa pamilya ko halos $200/month hindi pa buwanan.

Matagal ko na po talagang gustong magsumbong pero lagi niya po akong tinatakot na ipapakulong. Mabait naman po ang pamilya niya per­o masama­ po talaga ugali ng amo kung babae (‘yung employe­r ko).

Nagagalit siya na kumukuha ako ng tubig sa tubig pang-inom kaya ‘yung tira-tirang tubig na lang po nila ang iniinom ko. Minsan po hinahayaan ko na lang siya na bigyan ako ng tubig pang-inom kahit alam kong galing ‘yun sa CR para wala na pong gulo. Kahit masama po minsan trato niya sa’kin tinitiis ko na lang po pero­ hindi ko na po kaya.

Ang gusto ko na lang po talaga umuwi. Gustuhin ko man pong tapusin ang kontrata dahil napalapit na rin po ako sa kanila pero parang ‘di ko na rin po kaya. Hind­i ako nakakatulong sa pamilya ko sa Pinas dahil hindi ako nakakapadala ng maayos.

‘Di ko rin alam kung tala­gang makukuha ko ang kabuuan ng sahod ko o uuwi ba akong walang pera. Pakiusap po tulungan niyo po ako.

Ito po ang mga impormasyon: Address: Deir Ghabor, Muhammad Ameen, Khalafat Bldg. 18 2nd flr. Amman Jordan: Employer: Tamara ­Samaan Qusous at Mejdi Shawareb: Name of agency in Jordan: ASSAWSANAH Sweifiyeh. The Hamra street. Asadi Building No. (10). First Floor Agency in Philippines: UPSCALE EMPLOYMENT AGENCY CORP.

***

Ang hinaing ni Ms. Mantong ay naiparating na sa ­UPSCALE EMPLOYMENT Agency, gayundin sa POLO-­OWWA, AMAN-JORDAN OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR ng U-OFW sa pangunguna ni G. John Leonard Monterona, pero nananatiling walang aksyon kaya maging ang BayaniKa ay nangangalampag sa nasabing mga tanggapan upang matulungan ang OFW.

Ipa-follow-up din ng BayaniKa sa nasabing mga recruitment agency at sa mga nabanggit na ahensya ng gobyerno ang kaso ni Ms. Mantong at aming­ ­ilalathala sa mga susunod na araw ang anumang ­magiging katugunan sa nasabing problema.