Abante Tonite Interactive

‘Di agad nakalabas, lola patay sa sunog

113

Nalitson nang buhay ang 65-anyos na lola habang tatlo ang nasugatan makaraang hindi agad nakalabas sa nasusunog nilang tahanan sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Maj. Gilbert Valdez, Deputy Fire Mashal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City ang namatay na si Angelita Unite, 65, nakatira sa Don Pepe St., Brgy. Sto. Domingo.

Tatlo katao namang naitalang nasugatan ay sina Fr. Jie Die, 63; Manny Vilien, 48 at John Regalado, 4-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, nabatid na ang sunog ay sumiklab alas-sais ng gabi (Enero 19) sa ikatlong palapag na tahanan ng isang Crisanta Padilla.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog na umakyat sa ikalimang alarma at nagtagal ng 2 oras bago tuluyang naapula ganap na alas-otso ng gabi.

Ayon sa report, naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang sa mga light material ang mga bahay na dikit-dikit pa.

Nasa 180 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na ngayon ay pansamantalang nananatili sa covered court ng barangay.

Agad namang namahagi ang mga awtoridad ng mga tent at relief goods sa mga nasunugan. (Dolly Cabreza)