Abante Tonite Interactive

‘Di ako tatakbo sa 2022 — Isko

1,458

Sarado pa ang pintuan para sa pagtakbo bilang presidente o bise presidente para kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa 2022 presidential elections.

“Wala akong kaplano-planong tumakbo bilang bise presidente sa 2022 at lalo namang wala akong plano na tumakbo sa pagka-Pa­ngulo at ang aking desisyon na ‘yan ay ‘final’ na,”ayon kay Moreno.

Sinabi pa ni Moreno na binansagang ‘rockstar’ na hindi pa umiinit ang kanyang puwitan sa upuan bilang alkalde at kahit pa sabihin pa na madami nang nangyaring maganda sa lungsod sa loob ng isang buwan ng kanyang panunungkulan ay napakarami pa ang dapat na gawin.

Ayon pa kay Moreno, napakarami pang malalang problema na ipinamana ng nakalipas na administrasyon ang dapat pa nilang tutukan.

Sinabi pa ng alkalde na hindi sapat ang tatlong taon para ayusin ang nababoy na lungsod at ibalik ang dati nitong ganda at kaa­yusan, gayundin para mailatag ang mga programa na ipinangako ni Moreno noong panahon ng kampanya.

Tiniyak ni Moreno na mananatili siya sa lokal na politika hanggang sa pagdating ng 2022 at pinal na umano ang kanyang desisyon.

“Nagsasalita na ‘ko nang tapos. Kaya ‘yung mga nagpu-push na tumakbo akong President or Vice President, tigilan n’yo na ‘yan. Mabuti pa, tumulong na lang kayo sa ating pamahalaang-lungsod kung paano natin maibabangon ang Maynila mula sa mainding pagkakalugmok nito,” ani Moreno.

Sinabi ni Moreno na napakalaki ng kanyang utang na loob sa mga taga-Maynila na nagbigay sa kanya ng ‘landslide victory’ nitong nakaraang halalan kaya ginagantihan niya ito ng pagbubuhos ng lahat ng kanyang oras, pagsisikap, enerhiya at lakas para maibigay sa mga Manilenyo ang uri ng lungsod at serbisyo na dapat para sa kanila.

Tinituldukan na umano ni Moreno ang isyu at mas makabubuti umanong tulungan na lamang siya sa pagsasaayos ng Maynila dahil wala umanong tutulong sa Maynila kundi ang mga Batang Maynila.

Samantala, inilutang kahapon ni political analyst Richard Heydarian ang Leni-Isko sa 2022 sa kanyang Twitter account na hindi mas­yadong kinagat ng mga netizen.

Ayon kay Since75: “Wag na si Isko. Tapusin nya muna ang Maynila. Di niya kaya ayusin ito ng tatlong taon lang.”

Una nang sinabi ni Vice President Leni Rob­redo na open siya sa anumang posibilidad na pagtakbo sa susunod na halalan. (Juliet de Loza-Cudia)