Abante Tonite Interactive

‘Di ako tatakbong bise presidente o presidente sa 2022

742

Una sa lahat, mara­ming-maraming salamat sa ‘di mabilang na dami ng nagparating at patuloy na nagpaparating ng kanilang pag-aalala at ‘take care’ na mensahe sa inyong lingkod, matapos na marahil ay mapuna ang aking namamagang pisngi at plaster sa kamay nitong nakaraang mga araw.

Huwag po kayong mag-alala dahil malayo sa bituka ang nangyari sa akin. Namaga ang aking ngipin dahil sa impeksyon at ayon sa aking doktor, medyo nakadagdag sa problema ang pagbaba ng aking resistensya sa impeksyon dala ng kakulangan sa sapat na tulog. Kinailangan kong sumailalim sa dental surgery at ‘yung plaster sa aking kamay, duon naman idinaan ang suhero.

Hindi ko matiyak na masusunod ko nang lubos ang payo ng doktor na dalasan ang pagtulog dahil sa dami ng problemang kinakaharap ng lungsod ng Maynila, talaga namang hindi ka makakatulog ‘pag inisip mo lahat, bagay na mahirap iwasan kung ikaw ang punong-lungsod.

Ang pag-iikot ko naman sa gabi at mada­ling-araw ay may kalakip na mahalagang mensahe — na may gobyerno sa Maynila anumang oras. Ika nga, 24/7.

Maraming salamat din sa pag-ulan ng papuri at pagbati sa mga positibong pangyayari sa Maynila at ako ay humihingi ng paumanhin sa mga netizens na nagtutulak na tayo ay tumakbo bilang vice president o presidente sa 2022.
Tunay namang labis na nakakataba ng puso na maikunsidera bilang ku­walipikado sa mga nasabing posisyon, pero hayaan ninyong basagin ko ang trip ninyo.

Bagama’t naglabasan na sa balita, uulitin ko. Wala akong kaplano-planong tumakbo bilang bise presidente sa 2022 at lalo namang wala akong plano na tumakbo sa pagka-Pa­ngulo at ang aking desis­yon na ‘yan ay ‘final’ na.

Ni hindi pa nga umiinit ang aking puwitan sa upuan bilang alkalde kahit pa sabihin ninyong madami nang nangya­ring maganda sa lungsod sa loob ng isang buwan nating panunungkulan. Sadyang napakarami pang dapat na gawin sa harap ng sandamakmak at mga malalang problema na ipinamana sa atin ng nakalipas na administrasyon. Ayaw ko na sanang magturo pero ‘yan ang totoo.

Hindi sapat ang tatlong taon para ayusin ang nababoy na lungsod at ibalik ang dati nitong ganda at kaayusan, gayundin para mailatag ang mga programa na ating ipinangako nu’ng panahon ng kampanya na gusto at balak kong tuparin lahat.

Kaya naman ngayon pa lang ay tinitiyak ko nang mananatili na lang muna ako sa ‘local politics’ hanggang pagdating ng 2022 at pinal na ang desisyon kong ‘yan.

It’s not gonna happen. Nagsasalita na ‘ko nang tapos. Kaya ‘yung mga nagpu-push na tumakbo akong president or vice president, tigilan n’yo na ‘yan. Mabuti pa, tumulong na lang kayo sa ating pamahalaang lungsod kung paano natin maibabangon ang Maynila mula sa matinding pagkakalugmok nito.

Napakalaki ng aking utang na loob sa mga taga-Maynila na nagbigay sa akin ng ‘landslide victory’ nitong nakaraang halalan kaya naman ginagantihan ko ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng lahat ng aking oras, pagsisikap, enerhiya at lakas para maibigay sa mga Manilen­yo ang uri ng lungsod at serbisyo na dapat para sa kanila.

Mahal ko ang Maynila at ang mga Manilenyo na nagluklok sa akin upang pamunuan ang lungsod kaya’t hinding-hindi ko sila iiwan at bibiguin.
Ngayong tinuldukan ko na ang isyu, move on na tayo at sa mga Manilenyo, aasahan ko ang tulong ninyo. Hindi ko kakayaning mag-isa ang mga problema ng lungsod.

Walang tutulong sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. God first!
***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.