Abante Tonite Interactive

‘Di bumentang palusot

304

FOR THE RECORD

Naglabas ng statement ang Chinese embassy nitong Biyernes hinggil sa insidente ng banggaan ng dalawang fishing vessel sa Recto Bank noong Hunyo 9. Inamin nilang Chinese vessel ang nakabangga sa fishing boat ng mga Pinoy.

Pero ang pinagtaas ng kilay ng marami ay ang paliwanag ng embahada na natakot ang Chinese vessel na tulungan ang mga Pinoy dahil baka kuyugin sila ng 7 hanggang 8 fishing vessel na nakita nilang papalapit sa lugar.

Mariin itong pinasinungalingan ng mismong kapitan ng fishing boat na si Felix dela Torre. Kuwento niya, matapos silang mabangga ay inilawan pa sila ng Chinese fishing vessel pero laking gulat nila nang tumalilis ito palayo imbes na sagipin sila sa papalubog na fishing boat.

Makalipas ang ilang oras na palutang-lutang sa dagat, inutusan na lamang ni Dela Torre ang dalawa niyang tauhan na lumangoy ng dalawang milya para humingi ng saklolo sa Vietnamese fishing vessel. Doon lamang nasagip ang 22 crew at kapitan ng fishing boat. Nakihiram din si Dela Torre ng radyo para magpadala ng mensahe sa Philippine Navy.

Sinabi ng Chinese government na aksidente ang nangyari at maraming nagaganap na banggaan sa karagatan. Pero ang hindi nila malusutan ay kung bakit iniwanan ng Chinese fishing vessel ang fishing boat ng mga Pinoy matapos itong mabangga. Dito na lumabas ang palusot na baka daw kuyugin ng paparating na mga fishing vessel.

***
Noong dekada 80, marami pa akong nakikitang malalaking fishing boat sa Calbayog City, Samar na kung tawagin ay ‘Basnig.’ May taas itong 12-15 feet at may palatik na sampung botong o kawayan sa magkabilang panig. Kaya nitong magsakay ng 2,000 katao.

Pero sa paglipas ng panahon, wala ka nang makikitang basnig sa Samar dahil napalitan na ito ng modernong fishing vessel na tinatawag namang ‘Pangulong.’ Ito yung mga fishing vessel na nagpapailaw ng marami upang ma-attract ang mga isda saka gagamitan ng net. Nagkalat na rin ang mga trawl fishing na siyang sumisira sa mga coral kaya’t kumaunti na ang mga nahuhuling isda sa karagatan.