Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Di hadlang ang kapansanan

0 508

Itinutulak ng amang pitumpu’t limang taong gulang ang wheelchair sakay ang kanyang anak na may kapansanan. Halata mang pagod, hindi pa rin alintana ng dalawa ang matinding sikat ng araw. Pursigido ang ama na dalhin ang kanyang anak sa DepEd – Quezon. Ang sakay ng wheelchair, ang singkuwenta anyos na si Edwin Garin – isang teacher-applicant.

Dahil sa aksidente, napilay ang paa ni Edwin noong bata pa siya. Inakala niyang ito na rin ang puputol sa mga pangarap niya sa buhay. Dahil na rin sa kahirapan, inakala niyang mananatili siyang pabigat sa kanyang mga magulang. Hanggang dumating sa kanya ang oportunidad na muling mangarap dahil sa Alternative Learning System.

Sa tulong ng mahuhusay na ALS teachers sa Atimonan, Quezon, naipasa niya ang equivalency test noong 2014. Ito ang nagtulak sa kanya para ipagpatuloy ang pag-aaral ng kursong Education sa kolehiyo. Noong 2019, matagumpay niyang naipasa ang Licensure Examination for Teachers na nagbigay sa kanya ng kumpiyansa na kaya rin niya ang nagagawa ng ibang normal at walang kapansanan.

Sa loob ng apat na taon sa kolehiyo, buong tiyaga siyang sinamahan ng kanyang ama na noon ay edad pitumpu na. Tuwing papasok, ang kanyang ama ang matiyagang nagtutulak ng wheelchair ni Edwin sa kabila ng katandaan at panghihina ng katawan. Siya rin ang kasama at buong maghapong naghintay ng kumuha ng LET si Edwin sa Lucena City.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pagkalipas ang maraming taon, siya pa rin ang kasama at buong maghapong naghintay kay Edwin nang mag-apply siya bilang English Teacher. Matindi ang pagnanais ni Edwin na matanggap bilang guro sa DepEd sapagkat nangangarap pa rin siyang makapagbigay kahit konting ginhawa sa kanyang pamilya partikular sa mga may edad nang mga magulang.

Sakaling matanggap, hindi lang pangarap niya ang matutupad, mabibigyan din ng gantimpala ang pagtitiyaga at pagsisikap ng kanyang ama at ina. Nais niyang patunayan na hindi hadlang ang edad at kapansanan para patunayang may magagawa tayo para sa pamilya at bayan – at hindi pabigat ang mga may kapansanan sa ating lipunan. Pantay na pagtrato sa bawat isa ang laging ipinaglalaban ng mga may kapansanan gaya ni Edwin.

Ang lahat ng ito, nasaksihan ni Teacher Zaldy Bueno ng Gumaca, Quezon. Minsan ko na rin siyang naitampok sa column na ito matapos hiranging 4th ‘Happiest Pinoy’ ng Cebuana Lhuillier noong 2019. Sa kabila ng kahirapan, naiahon din ni Zaldy ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagsusumikap na maabot ang mga pangarap sa buhay.

Kaya nang makita niya ang sitwasyon ng mag-ama, agad naantig ang puso ni Zaldy. Napaiyak daw siya sa kalagayan ni Edwin. Pero ang luhang ‘yon may kasamang paghanga dahil sa kabila ng katayuan sa buhay, determinado si Edwin na maabot ang kanyang inaasam-asam. Pinost ni Zaldy ang mga larawan ng mag-ama na mabilis na nag-viral sa social media. Dahil sa trending post, marami ang nagpaabot ng tulong sa pamilya ni Edwin. Bagay na ipinagpapasalamat din ni Zaldy. (with reports and photos from Zaldy Bueno)

Leave A Reply

Your email address will not be published.