Abante Tonite Interactive

‘Di iligal pero ‘di magandang tingnan

0 284

Marami ang nagtaas ng kilay nang lumabas ang mga ulat tungkol sa ginawang “pag-refer” ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa Board of Pardons and Parole (BPP) sa sulat na humihirit ng “executive clemency” sa rape and murder convict na si Antonio Sanchez. Pero sabi ng opisyal, walang masama at walang iligal sa kaniyang ginawa.

Ang sulat na binabanggit eh galing sa mga kaanak ni Sanchez. Ang “referral” letter naman na ipinadala sa BPP eh may “letter head” o tatak ng Tanggapan ng Pangulo, at may pirma mismo ni Panelo. Ang opisyal mismo ng BPP na si Reynaldo Bayang, ang nagsiwalat sa pagdinig ng Senado ang tungkol sa “referral” letter.

Binibigyan natin ng diin ang katagang referral dahil maaaring mapagkamalan itong “endorsement” o pagrerekomenda. Depensa kasi ni Panelo, ipinadala lang niya sa BPP ang sulat kaugnay sa hiling ng mga kaanak ni Sanchez na mabigyan ng executive clemency, o awa ang dating alkalde na hinatulan ng korte ng habambuhay na magkakakulong dahil sa 1993 rape-slay ng estudyanteng si Eileen Sarmenta at pagpatay sa estudyante ring si Allan Gomez.

Wala naman talagang masama sa isang opisyal na mag-endorso o mag-refer ng mga sulat ng mga taong humihingi sa kanila ng tulong, ang hindi nga lang maganda at masakit sa peluka ng mga taong matalas ang pang-amoy, eh naging abogado ni Sanchez sa kaniyang kaso itong si Panelo.

Hindi lang ang mga senador na gaya nina Ping Lacson, Frank Drilon at Dick Gordon ang naalibatbaran sa ginawa ni Panelo, kung hindi maging ang marami nating katsokoran. Puna ng mga senador, ang paggamit niya ng “letter head” ng Tanggapan ng Pangulo at mismong pagpirma niya sa sulat eh nagbibigay ng “bigat” sa kaniyang sulat, at “maaaring” isipin o paghinalaan na iniindorso niya ang pagkakaloob ng clemency sa dati niyang kliyente.

For the record, sinabi ni Panelo na hindi niya inindorso ang sulat para sa clemency ni Sanchez, at nagsabi rin siya noon na hindi dapat makasama sa mga dapat makinabang sa kontrobersiyal na good conduct time allowance (GCTA) law ang mga bilanggong sangkot sa karumal-dumal na krimen—gaya ni Sanchez.

Iyong nga lang, nang magawi tayo sa isang shop na maraming nakaistambay at nanonood ng balita, aba’y nagpupuyos sa galit ang mga tao at hindi maganda ang reaksyon nang mapanood na istorya tungkol kay Panelo, kaugnay sa pagkakadikit niya kay Sanchez.

Hindi natin masisisi ang naging reaksyon ng ating mga katsokoran, kasi naman, bukod pala sa ginawa niyang pag-refer sa sulat ng mga kaanak ni Sanchez tungkol sa clemency, mantakin mong dalawang beses pa palang nagpunta sa Palasyo at kinausap ni Panelo ang mga kaanak ng dating alkalde kaugnay pa rin sa clemency.

Gaya ng pag-refer niya sa sulat, iginiit ni Panelo na walang masama sa kaniyang ginawa. Ang masama raw ay kung hinikayat niya ang pangulo na ipagkaloob ang clemency kay Sanchez. Aba’y hindi nga nabigyan ng clemency, kamuntik naman itong makalaya sa pamamagitan ng GCTA kung wala sigurong nag-tip sa media na pirmado na ang release paper nito.

Sa ngayon, si Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon pa lang ang sinisibak ni President Mayor Digong Duterte dahil sa kontrobersiya sa pagpapalaya sa mga bilanggong sangkot sa karumal-dumal na krimen dahil sa GCTA, at ang muntikan nang pagpapalaya kay Sanchez. Sino pa ba ang dapat na masibak?

Hindi man siguro iligal o wala mang masama para kay Panelo ang ginawa niyang “pag-accomodate” o pagbibigay-pansin sa mga kaanak ni Sanchez, sa tingin pa rin ng marami, hindi ito maganda dahil dati niyang kliyente si Sanchez.

Sabi nga ng isa nating kurimaw tungkol sa nabasa niyang kawikaan, may mga bagay daw na “legally right but morally wrong.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”