Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Di kakagat mga gutom na Pinoy sa revgov

0 351

Sa gitna ng COVID-19 pandemic, binuhay ng isang pro-Duterte group ang panawagan para sa revolutionary government. Isinulong ito matapos ang assembly ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) sa Pampanga noong nakaraang Sabado.

Tulad ng inaasahan, sinopla ito ng mga kritiko, grupo ng mga abogado at maging mga kaalyado ng administrasyon. Kahit na ang Malacanang, hindi sumusuporta sa panawagan ng pagtatayo ng revolutionary government.

Ano ba ang tunay na agenda ng MRRC-NECC at binuhay ang panawagan sa pagtatayo ng revolutionary government? Isa ba itong trial balloon? Kung iyon ang pakay, bagsak agad ang pakulo dahil hindi iyan ang gusto ng mga Pinoy.

Sa panahon ng pandemya, pagkain, trabaho at kaligtasan sa nakamamatay na coronavirus disease ang inaasam nila sa kanilang buhay. Hindi kakagatin ng mga gutom na Pilipino ang revolutionary government. Kung ayuda ang ipamimigay ng pro-Duterte group, game ang mga Pinoy dito kahit na tatlong araw silang pumila sa remittance center na tila iilan lamang ang mga branch sa bansa.

O baka gusto lang sumipsip ng grupo para mabigyan sila ng puwesto sa gobyerno ni Pangulong Duterte? Abaý 2020 na kasi at dalawang taon na lamang at matatapos na ang termino ni Digong.

Pero paliwanag ng grupo, gusto lang daw nilang maisakatuparan ang charter change kaya nila isinusulong ang pagtatayo ng revolutionary government. Kung ito lang ang kanilang pakay, sablay pa rin ito. Tiyak na mababangkarote ang national government sa federalism. Hahabulin tayo ng mga bansang pinagkakautangan natin.

Saan din kaya kukuha ng pondo ang mga local government kapag lumipat tayo sa federalism? Imbes na health crisis lang ang kinakaharap ng bansa, baka madagdagan pa ito kapag nasunod ang kagustuhan ng mga sipsip sa Pangulo.

Ano naman kaya ang nararamdaman ng mga doktor at nurse sa bansa ngayon? Noong nanawagan kasi sila na ibalik sa enhanced community quarantine ang Metro Manila, nagalit si Pangulong Duterte dahil tila nagbabanta ng rebolusyon ang mga frontliner. Dapat pagsabihan ng Pangulo ang grupong ito upang mapanatag ang loob ng mga Pinoy.

Mantakin nyo ba naman, mabubuwag ang Lehislatura at Hudikatura sa ilalim ng revolutionary government. Maba-bad trip lamang dito ang Senado lalo na si Senate President Vicente Sotto III na nagdiwang ng kaarawan nitong Lunes, Agosto 24. Sa produktibong Senado sa ilalim ni Sotto, bakit pa natin babaguhin ang sistema ng gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.