Abante Tonite Interactive

‘Di kinaya ng aktor: Female personality mahilig sa mga beki

793

DEKADANG nakarelasyon ng isang male personality ang isang female celebrity na nabibilang sa pamilya ng mga negosyante. Maraming umasa na sa altar na ang tuloy ng kanilang pagmamahalan.

Pero sa kalagitnaan ng kanilang relasyon ay biglang nagbago ang takbo ng kanilang relasyon. Parang kape ‘yun na biglang tumabang.

Kuwento ng aming source, “Mahal na mahal ng guy ang girlfriend niya, sobra-sobra! Nu’ng una, e, okey naman sila, compatible ang dalawa, hanggang sa nagkaroon sila ng pagtatalo. Madalas ‘yun!

“Kasi, mahilig makitropa sa mga becki ang girl! Puro bakla ang kaibigan niya, iilan lang ang babae. Talagang mundo ng mga becki ang gustung-gusto niya!

“So, pinagtatalunan nilang madalas ang pakikipagbarkada ng girl sa mga becki. Nalalaman na lang ng guy na nasa ibang bansa na pala ang girlfriend niya, hindi man lang nagpapaalam sa kanya!

“At maraming becking pinatitira ang girl sa condo unit nila! Wala na silang privacy, ang dami-daming becki sa unit nila, kaya madalas silang nagkakaroon ng pagtatalo!” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Dahil yayamanin nga ang pamilya ng female celebrity, malakas ang loob nitong magdesisyon nang hindi man lang tinatanong ang kanyang boyfriend na aktor, kasi nga ay ito ang gumagastos sa halos lahat ng kanilang mga pangangailangan.

Balik-kuwento ng aming source, “Du’n naman talo ang guy. May pinagkakakitaan din siya, pero hindi regular, patiyempo-tiyempo lang. Kapag may project siya, e, madatung siya, pero kapag wala, ang girl ang taya sa paggastos.

“Kaya kung sino ang gumagastos, feeling ng girl, e, ‘yun ang dapat masunod! Hanggang sa ‘yun nga, hindi na kinaya ng guy ang sitwasyon nila, kaya nauwi ‘yun sa hiwalayan na nakakapanghinayang!

“Imagine, mahigit na isang dekada na silang magkarelasyon, pero wala pa rin palang guarantee ang ganu’n katagal sa pagharap sa altar?

“Pareho na silang maligaya ngayon, may pinakasalan na ang girl sa ibang bansa, ang male personality naman, e, kakakasal lang, dating kaklase ng guy ang napangasawa niya.

“Mabait ang guy, spoiled brat naman ang girl, talagang hindi sila magkakatuluyan dahil magkaiba ang ugali nila. Basang-basa na ‘yun ng mga kaibigan nila nu’ng umpisa pa lang ng relasyon nila!” pagbibigay pa ng clue ng aming impormante.

Male celebrity plastik sa social media

MAIGSI lang ang item na ito, pero rock, dahil umay na umay na sa isang sikat na male personality ang mga nakakausap namin.

“Bakit ba siya nagpapa-profound? Hindi naman siya talaga matalino, pero nagpapakalalim siya! Pretensiyoso siya! Sawsawero pa!

“Hindi na lang niya asikasuhin ang profession niya! Puro pagpapakalalim sa social media ang alam niya, nakakaumay na siya!” sabi ng isa.

Komento naman ng isa pa naming nakakuwentuhan, “Alam ba niya na nagiging inconsistent siya sa mga pinagsasasabi niya? Kasi nga, e, hindi naman talaga siya bright, nakikiangkas lang siya sa mga issues na kapos naman siya sa kaalaman! Magpakatotoo na lang siya!”

Naman!

Marjorie, anak wapakels sa mga nega

NAKITA ng mga kaibigan namin sa isang pampublikong lugar si Marjorie Barretto kasama ang kanyang mga anak. Puring-puri nila si Marjorie, palagi raw nakangiti, parang walang pinagdadaanang kontrobersiya.

At lalo nilang sinaluduhan si Marjorie nang sabihan niya sina Julia at Klaudia na kumaway sa mga bumabati sa magkapatid, nakikipag-selfie pa nga ang iba, napakaganda raw ng breeding ng magkapatid.

Sabi ng isang kaibigan namin, “She’s so accommodating. Pati ang mga anak niya, nice rin. Akala nga namin, e, maldita at suplada si Julia, pero hindi naman pala.

“Ang ganda-ganda ni Julia, wala siyang make-up, pero super-ganda niya talaga. Ganu’n din si Klaudia na parang mahiyain lang, pero very nice sila sa lahat,” sabi ng aming kakuwentuhan.

Tama lang ang ginawa ng mag-ina. I-enjoy nila ang buhay, huwag silang magpaapekto sa mga taong walang iniisip kundi ang gawing negatibo ang kanilang kapaligiran.