Abante Tonite Interactive

‘Di natapos na misyon

237

Ramil D. Cruz

Bilang kapwa ko marathoner, isa ako sa labis na nanghihinayang sa napakaagang pagyao ni Rafael Poliquit, Jr.

Siya ang three-time National Milo Marathon king noong 2014 sa Pasay, 2015 sa Iloilo at noong Disyembre 2018 lang sa Laoag.

Namatay ang tubong Tagum City nitong Huwebes, Abril 11 sa edad na 30 dahil sa komplikasyon sa karamdamang subdural empyema, habang naka-confine ng ilang araw na sa V. Luna Medical Center sa Quezon City.

Isa siyang national training pool athlete na naghahanda sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa parating na Nov. 30-Dec. 11 at sundalo ng Philippine Air Force nang suma­kabilang buhay.

Aktuwal na naging national athlete na rin ang dating estudyante ng Far Eastern University nang katawanin ang bansa sa Singapore 2015 SEA Games.
Pero ‘di niya natapos ang 42.195K road race dito sanhi ng injury.

Kaya nagsikap siyang muling makabalik sa pedestal, nakuha ang pangatlong NMM title na nagbigay sa kanyang muli ng pasaporte para makapag-SEAG at tapusin ang nakabinbin niyang misyon dito, ang ibalik sa ‘Pinas ang gold medal.

Maraming iniwang mabuting alaala at inspiras­yon si Poliquit sa mga gaya nating runner.

Gaya ko at nang nahingan ko ng reaksyon sina Nhea Ann Barcena at Luisa Yambao-Raterta. At marami pang iba.

Mapagkumbaba ang 2016 Boston Marathon veteran at Run United Philippine Marathon titlist. Mapagbigay. Sine-share niya ang kanyang sikreto sa training sa mga mananakbo.

Kaya maski ‘di mo natapos ang misyon mo Pol sa mundong ito, saludo pa rin ang buong komunidad ng takbuhan sa iyo!
Paalam kasamang mananakbo!(Ramil D. Cruz)